Advertisers
WALANG pwedeng pumigil sa mangingisdang Pilipino na mangisda sa West Philippine Sea!
“Atin ito. Ang ating mangingisda, dapat mangisda sa West Philippine Sea. It is ours historically, technically, and the world agrees with us. We own it under the Hague ruling.”
Ito ang matapang na pahayag ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nang tanungin ng mga mamamahayag kung ano ang tindig niya tungkol sa utos ng China na alisin ang BRP Sierra Madre na nakabahura sa Ayungin Shoal.
Kung siya lamang ang masusunod, sinabi ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko na ipadadala niya ang lahat ng mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea at doon, gagawin ng Philippine Navy at ng Philippine Coast Guard na protektahan sila.
Gagawin niya, dagdag ni Isko, ang ginawa noon ng Presidente Joko Widodo ng Indonesia.
Noong 2016, ipinakita ni Widodo na hindi siya pwedeng sindakin ng China nang tangkaing angkinin ang Natuna Sea na nasasakop ng exclusive economic zone ng Indonesia.
Sa isang warship na nakadaong sa Natuna Islands, nagdaos ng isang miting ng Gabinete si Widodo at binantayan ang lugar.
Hinabol at pinasabog ng barko ng Indonesia ang mga bangkang pangisda ng China sa dagat ng Natuna at nagtayo si Widodo ng isang bagong base militar at laging may nagpapatrolyang barko upang malayang makapangisda ang mga kababayang Indonesian.
Kung siya ang pangulo, sinabi ni Yorme Isko na hindi niya papayagang may makapasok na dayuhang barko sa West Philippine Sea.
Lahat ng dayuhang barko na papasok sa teritoryo ng Pilipinas ay kanyang ipaaaresto, sabi ni Yorme Isko.
“… those ships who went inside illegally within our territorial jurisdiction, gagawin kung aquarium ang ilalim ng dagat ng Pilipinas. Kaya lang barko lang nila ang lumubog,” sabi ni Yorme Isko.
Idinagdag ni Yorme Isko na patuloy ang agresibong pag-angkin ng China sa WPS sa kabila ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa Hague noong 2016 na pumabor sa Pilipinas.
Kung siya ang magiging pangulo sa 2022, sinabi ni Yorme na matapang niyang ipaglalaban ang pagmamay-ari ng Pilipinas sa WPS, ayon sa desisyon ng Hague.
“We will be fearless in fighting for what is ours. Kung magiging matapang tayo, dadaanin naman natin sa maayos at parehas na pag-uusap ang problema para sa magkabilang panig,” paliwanag ni Yorme Isko nang siya ay makipag-usap sa mga mangingisda sa Botolan nang bumisita siya sa Zambales.
Pangako niya, kung papalaring manalo sa Mayo 2022, mabibigyang proteksiyon ang mga mangingisdang Pilipino sa teritoryo ng Pilipinas.
“Ang mga mangingisda, dapat makapangisda sa loob ng ating teritoryo sa dagat. At iyon ang magaganap: undeterred, peaceful, and productive fishing opportunities under our rules. Filipino fishermen first,” sabi ni Yorme Isko.