Advertisers

Advertisers

TRO hiniling vs IATF puwersahang pagbabakuna

0 369

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo’…” (pahayag ng Diyos sa mga unang tao, sina Adan at Eba, sa Genesis 1:29, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

NAGTATALO-TALO ANG MGA ABOGADO SA KASO NG CLERK NG LAS PINAS CITY RTC NA KUMUKUWESTIYON SA PAGPAPATUPAD NG SUPREME COURT SA IATF ORDER SA SAPILITANG BAKUNA: Magkakasalungat ang pananaw ng maraming mga abogado sa isinampang kaso ng isang clerk of court sa Regional Trial Court sa Las Pinas City na kumukuwestiyon sa utos ng Korte Suprema, sa pamamagitan ng kaniyang Office of Administrative Services (o OAS), na magkaroon ng sapilitang pagbabakuna ang mga manggagawa ng hudikatura.



Ang utos ng Kataas-taasang Hukuman sa sapilitang pagbabakuna sa mga lugar kung saan may sapat na supply ng Covid 19 vaccines ay ibinatay naman nito sa resolusyong inilabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, o IATF.

Nagbabalak na din ang pamahalaang Duterte na ipag-utos ang sapilitang pagbabakuna sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa upang magkaroon na ng tinatawag na “herd immunity” o kakayahang labanan ang virus sa bayan dahil marami na ang nabakunahan.



Isinampa ni Atty. Kathryn Joy Hausea Nunez ang kaso laban sa OAS ng Supreme Court na kinakatawan ng hepe nitong si Atty. Maria Carina Cunanan, deputy clerk of court at chief administrative officer at kay Las Pinas City Regional Trial Court Branch 198 Presiding Judge Pia Cristina Bersamin Embuscado, at laban din sa IATF.

Sa Manila Regional Trial Court isinampa ni Atty Nunez ang kaniyang petisyon, kung saan humihiling siya ng agarang pagpapalabas ng isang temporary restraining order upang pigilin ang IATF sa pagsusulong ng kautusan nito sa sapilitang pagbabakuna ng mga manggagawa.



Partikular na hiningi ni Nunez na pigilan din ng Manila RTC si Atty. Cunanan, ang administrative chief ng Supreme Court, at si Judge Embuscado ng Las Pinas City RTC, na ipatupad ang kautusan ng IATF.

***

TRO HINILING NG LAS PINAS CITY RTC CLERK OF COURT PARA PATIGILIN ANG IATF ORDER SA ENFORCED VACCINATIONS: Ipinag-utos kamakailan ng IATF na ang mga manggagawang ayaw magpabakuna ay hindi pupuwedeng tanggalin sa trabaho, bagamat inaatasan silang magsagawa ng regular na RT-PCR, o reverse transcription polymerase chain reaction testing, o yung kilala bilang antigen test na sila ang magbabayad.

Sa ibang mga tanggapan ng gobyerno, libre ang pagsasagawa ng mga ganitong antigen test, pero para lamang sa mga nabakunahan na. Binigyang-kapangyarihan din ng IATF ang mga business establishments na huwag papasukin sa kanilang mga lugar ng negosyo ang mga tao na hindi pa nababakunahan, o di kaya ay hindi pa kumpleto ang bakuna.

Sa harap ng mga reglamentong ito, humihiling si Atty. Nunez ng Las Pinas City RTC 198 na patigilin ang IATF sa pagsusulong ng kaniyang mga kautusan sa sapilitang pagbabakuna, dahil, ayon sa kaniya, sa kaniyang personal na pag-aaral, hindi magiging mabisa ang bakuna sa paglaban sa COVID 19 virus, lalo na at may iba pa namang paraan ng mabisang pakikibaka sa virus.

Sa pananaw ng ilang mga abogado, hindi pupuwedeng demandahin ninuman ang Korte Suprema, lalo na ng mga manggagawa o opisyales ng hudikatura, batay sa doktrinang legal na nagsasabing ang anumang sabihin nito ay pinal at wala ng pupuwedeng makapagbago pa.

Ayon sa mga abogadong ito, maaaring may pagkakamali o pagmamalabis sa utos ng Korte Suprema sa pagsunod sa kautusan ng IATF, pero katotohanang di mapapasubalian na hindi man nga infallible, o walang pagkakamali ito sa mga ginagawa nito pero ang lahat ng mga ginawa nito ay pinal, at nagiging batas pa, na dapat sundin ng lahat.

Sa kabilang dako, naniniwala naman ang iba pang mga abogado na magandang test case ang kaso ng Las Pinas City RTC Branch Clerk of Court upang malaman ang legalidad nga ng kautusan ng IATF sa sapilitang pagbabakuna ng mga manggagawa, o ng sino ang ibang Pilipino.

***

“MAY IBA PA NAMANG MABISANG PARAAN UPANG LABANAN ANG COVID 19 KAYSA SA BAKUNA”: Ganundin, nililiwanag ng mga abogadong ito na hindi naman ang Korte Suprema ang talagang idinedemanda ng clerk of court kundi ang isang tanggapan lamang nito.

Sa grupo ng mga mananampalatayang Kristiyano, sinasabi nilang sinasang-ayunan nila ang kasong iniharap ng Las Pinas City RTC branch clerk dahil, sa hanay ng mga naniniwala sa Diyos, hindi lamang ang bakuna, o ang mga health protocols na ipinatutupad ng gobyerno, ang mabisang panlaban sa Covid 19.

Ang bakuna o mga health protocols, sa pananaw ng mga mananampalataya, ay maaaring maging epektibong preventive measures lamang, o mga pantakip-butas na mga remedyo, na maaaring makapigil ng pagkakahawa-hawa bagamat wala pang patunay na epektibo nga ang mga ito.

Ang pinaka-mahusay na preventive measure at panggamot sa mga nahahawa na ng Covid 19 ay ang Diyos, at ang kaniyang Salita, na siya niyang kapangyarihan sa pagliligtas.

Ipinaliwanag ng mga mananampalataya na ang mensahe ng Covid 19 ay iisa lamang: nakalimot na ang mga tao sa Diyos, at nalihis na ang landas ng marami tungo sa kasalanan. Totohanan at tapat na pagbabalik sa Diyos ang tunay na remedyo laban sa Covid 19, ayon sa kanila.

***

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.