Advertisers
ANG mag-organisa ng political caravan ay magastos. Kailangan mong pakainin ang mga sumasama rito at big-yan ng pang-gas ang riders. Dahil hindi sasama o mag-aaksaya ng oras ang mga ito kung sarili nila ang gastos. Pangkain nga lang nila sa isang araw ay problema na nila kung saan kukunin, gagastos pa ba sila sa gas para makasama sa caravan ng politiko na hindi naman sila kilala?
‘Yung mga may kotse na sumasama sa caravan, oo! naniniwala ako dyan na sariling gastos nila ‘yan. Pero ang riders, malabong sasama ‘yan nang walang bayad ang kanilang araw. Peks man!
Ito’y maliban nalang kung diehard ka talaga. Pero kahit pa siguro gaano ka ka-diehard sa politiko kung wala kang panggastos sa gas at pagkain, hindi ka makakasama sa nakakapagod at napakainit na political activities na ito.
Isa pang problema sa pagsagawa ng political caravan ay maraming motorista ang nabubuwisit sa politiko. Naaabala kasi ang kanilang mga lakad o pagpasok sa trabaho. Baka imbes na iboto nila ‘yung politiko ay hindi nalang dahil sa pagkainis.
Actually, madali lang mag-organisa kapag gusto mong magkaroon ng malaking caravan. Ianunsyo mo lang sa mga barangay na maraming tambay na magbibigay ka ng P1,000 sa mga sasama ay tiyak na makakukuha ka kahit isang milyong riders. Mismo!
Kaya ‘yung mga politiko na araw-araw nagsasagawa ng caravan, milyon milyong piso ang nauubos nila. Kung gagawin nila ito hanggang magsimula ang kampanya sa Pebrero, baka bilyon bilyon na ang naubos nila plus pa ang gagastusin sa tatlong buwan na araw ng kampanya. Saan nila babawiin ito ‘pag nahalal? Sa pangungulimbat sa mga programa ng gobierno. Mismo!
Mas bilib ako rito sa ginagawa nina Senador Ping Lacson, Manila Mayor Isko Moreno, Senador Bong Go at Senador Manny Pacquiao, nakikipag-usap lang sila sa mga grupo, lider ng iba’t ibang organisasyon at inilalatag ang kanilang mga plataporma de gobyerno.
Si Pacquiao, nag-oorganisa ng event at doon inihaha-yag ang kanyang gusto mangyari sa bansa, sabay pamigay ng ayudang cash, P500 hanggang P1K. Sariling pera nya naman ito mula sa pakikipagbasagan ng mukha sa ibabaw ng ring. Hehehe… Kaya wala tayong masamang maikomento sa kanya.
Si Lacson, kasama ang kanyang running mate na si Senate President Tito Sotto, ang tina-target ay mga lider ng organisasyon, malalaking pamilya, negosyante at local gov’t. officials na maraming tagasunod. Pag nakuha nila ang suporta ng mga ito, hindi na sila made-dehado sa laban. Mismo!
Iba naman ang diskarte ni Sen. Bong Go, ang mga sinasadya ay ang mga biktima ng kalamidad at trahedya at doon mamigay ng ayuda. Sinasadya nya rin ang mga ospital ng mga may cancer at binibigyan ng kaligayahan ang mga pasyente. Malasakit ang kanyang ipinakikita.
Si Go ay kandidato parin po sa pagka-pangulo. Bagama’t inanunsyo niyang siya’y nagwidro pero hindi pa ito opisyal. Dahil hindi pa siya nagsumite ng kanyang withdrawal sa tanggapan ng Comelec. Oo! Hangga’t hindi nagpapakita sa poll body ang “alalay” na ito ni Pangulong Rody Duterte, siya’y kasali parin sa Presidential derby. Kaya nga tuloy pa ang kanyang pag-iikot eh. You know!!!