Advertisers
Isa ang patay at 1 ang sugatan sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Mandaluyong City nitong bisperas ng Pasko.
Nakilala ang nasawi na si Vener Laygo, 53, at residente ng 141 Pitong Gatang Rev. Aglipay St., Brgy. Old Zaniga; habang sugatan ang kanyang kaanak na si Anthony Laygo, 48, na nilalapatan na ng lunas sa Mandaluyong City Medical Center.
Sa report ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection (BFP), 4:55 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa dalawang palapag na residential house sa 141 Pitong Gatang, Rev. Aglipay St., Brgy. Old Zaniga, Mandaluyong City.
Ang naturang tahanan pagmamay-ari ni Vener at inookupa rin ng kanilang pamilya.
Dakong 8:00 na ng gabi nang maideklarang fire under control ang sunog at tuluyang naapula pagsapit ng 8:41 ng gabi.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa may humigit-kumulang sa ₱1,125,000 halaga ng mga ari-arian.
Tinatayang aabot sa 112 tahanan ang tinupok ng apoy sa naturang sunog at may 225 pamilya o 900 indibidwal ang naapektuhan nito.