Advertisers

Advertisers

Hindi sino, kung ‘di ano

0 508

Advertisers

PAALAM 2021. Welcome 2022! Marami man tayong pinagdaanan sa halos dalawang taon ng lockdown ng dahil sa pandemiyang dulot ng Covid-19, tila unti-unti naman tayong pinababangon sa pagpapalit ng taon.

Lumuwag na ng kaunti ang ating mga pagkilos at bumabalik na ng kaunti ang sigla ng ating ekonomiya dahil karamihan ay nakabalik na sa kani-kanilang mga hanapbuhay. May nakaumang ding pagbabago sa liderato ng ating bansa.

Kaliwa’t kanan na ang ating mga naririnig na pangako, at kaliwa’t kanan na rin ang mga nakikita nating mga personalidad na umanoy nais maglingkod sa taong bayan. Ano ba ang mahalaga? Ang sino ba o ang ano, ang magagawa ng mga personalidad na ito?



Ngayong kagagaling lamang natin sa matinding pagsubok o labis na paghihirap, mahalaga talagang malaman kung ‘ano’ ang magagawa ng mga kandidato sa kasalukuyan nating kalagayan at sa mga darating pang panahon sa ating mga buhay.

Mahalaga bang ang kandidato ay sikat? Mahalaga bang mayaman sila? O kaya naman ay pinaghaharian na nila ang lugar na kanilang pinanggalingan kaya’t umani na rin sila ng katanyagan.



Sa pagpasok ng bagong taon at sa mga darating pa, mas mahalagang alamin natin kung ‘ano’ ang nais gawin, magagawa at talagang pagtutuunan ng pansin ng ating mga kandidato kung sakaling sila ang papalaring makakakuha ng tiwala natin.

‘Ano?’ ang kanyang gagawin kung sakaling humaba pa ang panahon ng pandemiya?. ‘Ano’ ang kanyang gagawin upang tumibay ang pagbangon ng ekonomiya? ‘Ano’ ang kanyang balakin sa tumitinding agawan ng teritoryo sa karagatan? ‘Ano’ ang kanilang gagawin sa lumalalang problema ng korupsiyon, kahirapan at kamangmangan?



Hindi ba’t parang mas marami ang ‘ano’ kaysa sa ‘sino’, kung pag-uusapan natin ay kandidato? Ito ay di lamang sa pagka-pangulo ha. Mambabatas man at kahit sa lokal na posisyon, kasama ang dalawang tanong na ito – ang ‘sino’ at ‘ano’.

Para sa inyong lingkod mas importante nang tutukan natin ang tanong na ‘ano’, dahil dito nakasalalay ang kinabukasan di lang ng ating mga sarili kung di pati ng mga susunod na mga henerasyon.

Sa pagpili ng kandidato ang tanging mairerekumenda ko sa inyo, ay pagtuunan ng pansin ang tanong na ‘ano.’ Ano ang magagawa ng kandidato para sa bansa ko, para mga kababayan ko, para sa lungsod ko o kahit na sa aking munisipyo.

Kaya mga kababayan ko, di ako mageendorso muna ng tamang kandidato. Iiwan ko sa inyo ang tanong -ano ang magagawa ng kandidatong nasa isipan mo, kung sakaling manalo nga ito? Mas maganda nga siguro kung kayo na ang magtatanong nito sa inyo mismong kandidato.