Advertisers

Advertisers

Sinu-sino ‘patong cops’ sa illegal gambling sa Baguio City?

0 310

Advertisers

DALAWANG beses ko nang nababasa sa ilang pahayagan ang patakaran ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na si General Dionardo Carlos hingging sa patakarang walang tatanggap ng ‘padulas’ o ‘tara’ mula sa iligal na negosyo at iligal na transaksyon.

Sa ingles, “No take policy”.

Pokaragat na ‘yan!



Paniyak, ideneklara at dalawang ulit na inihayag sa publiko ni Carlos ang kanyang no take policy dahil labis siyang naniniwalang mayroong mga pulis na tumatanggap ng lingguhang tara mula sa iligalidad.

Pokaragat na ‘yan!



Sana — sana — seryoso si General Carlos sa kanyang babala sa mga pulis, lalo na mga opisyal, na tawagin nating “patong cops”.

Upang maraming taong maniwala sa nasabing patakaran sa pagkakataong ito, ipatupad ito ni Carlos.



Patunayan ni Carlos na seryoso siyang ipagpatuloy ang paglilinis at pagpapaganda ng kredebilidad at imahe ng PNP na sinimulan ni retiradong pinuno ng PNP na si Guillermo Lorenzo Eleazar.

Kailangang mayroong tanggalin sa puwesto si Carlos na patong cops upang mapatunayang hindi ‘papogi’ ang kanyang patakaran sa mga tulisang pulis.

Bago maging hepe ng PNP si Eleazar noong Mayo 8 ng kasalukuyang taon, marami nang pinuno ng pambansang pulisya na nagdeklara ng patakarang walang tatanggap ng pera mula sa mga iligal na negosyo tulad ng droga at sugal.

Ngunit, walang nangyari dahil hindi seryoso at hindi sila tapat sa simulain.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya upang hindi lumitaw sa midya na kakosa ni Carlos sa kasinungalingan ang mga PNP chief, umaksyon siya!

Sampolan niya ang PNP sa Baguio City.

Sa lungsod na ito kasi ay nagsimula na ang negosyo ng mga hari sa iligal na sugal tulad ng batikang si alyas “Patrick”.

Ayon sa impormante ng BIGWAS!, “mini-casino” ang iligal na pasugal ni alyas Patrick.

Lantaran at garapalan ang nito sa Legarda Street.

Maliban daw sa mga lokal na residente, dinadagsa rin ang pasugalan ni alyas Patrick ng mga turista.

Subalit, walang pakialam ang mga pulis sa mini-casino ni alyas Patrick kahit malapit ito sa himpilan ng PNP.

Pokaragat na ‘yan!

Malapit na sa opisina ng mga alagad ng batas, malapit pa sa city hall kung saan matatagpuan ang tanggapan ni Mayor Benjamin Magalong.

Pokaragat na ‘yan!

Nangangahulugan lamang na ibang klase ang bangis ni alyas Patrick!

Hindi rin patatalo ang mga drop-ball ng mga beterano sa iligal na sugal na ito.

Sabi ng impormante ng BIGWAS!, kitang-kita ang pamamayagpag ng nga drop-ball nina alyas “Nestor” , alyas “Jimmy”, alyas “Edna”, alyas “Toyoy”, alyas “Uldak” at alyas “Nilo”.

Masama ang ibig sabihin kapag nagpapabaya ang mga pulis at mismong alkalde ng lungsod kung nakikita ng mamamayan na lantaran at garapalan ang iligal na sugal, samantalang walang dudang labag ito sa batas.

Kaya, posibleng kumilos lang ang mga pulis sa Baguio City laban kina alyas Patrick, alyas Nestor, alyas Jimmy, alyas Edna, alyas Toyoy, alyas Uldak at alyas Nilo.

Malaman natin ang patakaran ni General Carlos kung totoo o isang palabas lang.

Obligadong gumawa ng mapagpasyabg hakbanf si Carlos laban sa PNP ng Baguio upang masibak niya sa puwestong ang patong cops.