Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “ … Hindi niya kayo aalisan ng salot hanggang sa maubos kayo … . Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat; padadalhan din niya kayo ng matinding init at tagtuyot. Hindi kayo titigilan ng mga ito hanggang hindi kayo nalilipol…” (Deuteronomio 28:21-22, Ang Tanging Daan Bibliya).
***
WALANG NANINIWALANG MAPAPARUSAHAN ANG MGA LUMALABAG SA COVID 19 HEALTH AT QUARANTINE PROTOCOLS: Wala namang naniniwala na hahabulin, uusigin, at parurusahan ng gobyerno ang mga tao na lumalabag sa mga quarantine rules o iba pang health protocols na itinatag upang labanan ang COVID 19 virus sa Pilipinas.
Ito ang nagkakaisang pananaw ng maraming mga Pilipino, tungkol sa mga pahayag na inilabas sa kaniyang mga panayam sa media noong umaga ng Lunes, Enero 03, 2022, ni acting Presidential Spokesman at IATF co-chair Karlo Nograles.
Ang pinatutungkulan ni Nograles ay ang babaeng lumabag ng quarantine protocols para lamang dumalo sa isang party sa Poblacion, Makati City, at ang isa pang Filipinang kadadating din lang mula US, sa panahong dapat ay naka-quarantine siya sa isang hotel.
Sinabi ng kalihim na ang dalawa ay pupuwedeng sampahan ng kasong criminal. Idinagdag pa ni Nograles, sa isang panayam sa media, na lumilitaw na nilabag ng babae ang tinaguriang Notifiable Diseases Act, o Republic Act 11332.
Ang batas na ito ay naipasa noong April 26, 2019, matapos itong lagdaan ng Pangulong Duterte, at nina dating Pangulong Gloria Arroyo, ang noon ay House Speaker, at Senate President Vicente Tito Sotto III.
***
DUMADAMI ANG MGA TAO NA LUMALABAG SA HEALTH AT QUARANTINE PROTOCOLS: Ayon sa nasabing batas, pupuwedeng maparusahan ng multang mula P20,000 hanggang P50,000, o pagkakakulong ng isang buwan hanggang anim na buwan, ang mga lumalabag sa quarantine rules.
Ang problema lang, gaya ng iba pang mga batas na nagpaparusa sa mga krimeng ginawa ng sinuman, kakailanganin pa din ang mahabang proseso ng paglilitis, mula sa preliminary investigation sa piskalya, hanggang sa paglilitis sa mga hukuman.
Kakailanganin din ng pagharap ng mga testigo sa kaso, at pagpapalabas ng mga dokumento o iba pang ebidensiya na magpapatotoo sa ginawa ng isang naakusahan ng kaso.
Ayon sa mga netizens na nagpadala ng kanilang sentimiyento sa mga pahayag ni Nograles sa Kakampi Mo Ang Batas noong umaga ng Enero 03, 2022, maliwanag namang matagal ng hindi kumikilos ang gobyernong kaniyang kinakatawan sa napaulat na napakarami ng paglabag ng quarantine restrictions sa panahon ng pandemya.
Binanggit ng mga netizens na ito ang balitadong paglabag ng dating hepe ng Philippine National Police na si Gen. Debold Sinas, ni dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, at ng maraming iba pang matataas na opisyales ng gobyerno, na hindi din naman inusig ng gobyernong Duterte.
***
PAGLABAG NG HEALTH PROTOCOLS SA NGAYON, BUNGA NG KAWALAN NG AKSIYON NG GOBYERNO SA MGA OPISYALES NA HINDI NAPARUSAHAN: Kaya maraming gumagaya diumano sa mga hindi pagsunod sa mga alituntuning ang layon ay labanan ang COVID 19 virus. Alam ng mga Pilipino na hanggang bunganga lamang naman ang mga pagbabawal ng mga autoridad sa kalusugan, at maging sa pambansang pamahalaan.
Ganundin, ipinupunto ng mga naiiritang mamamayan na ang mga urong-sulong na polisiya ng gobyerno sa pagluluwag ng mga health protocols lalo na noong bago mag-Pasko 2021 at Bagong Taon 2022, at ang pasya nitong huwag ng i-ulat sa social media ang tunay na bilang ng mga nahahawa pa din sa COVID 19 araw-araw sa bansa, ang nagiging dahilan ng ngayon ay napapaulat na muling pagdami ng mga nahahawa ng COVID 19, pangunahin sa National Capital Region.
Superspreader ang mga kasiyahan at mga pagtitipon sa Pasko at Bagong Taon, pero mistulang isinulong pa ng pamahalaan ang paglabas at pakikisalamuha ng mga Pilipino sa isa’t isa, na nagpapakitang wala itong pakialam kung magkahawa-hawa man ang marami, gaya na nga ng nangyayari ngayon.
Pinuna ng mga netizens ang tila naging posisyon ng gobyerno sa pagluluwag sa mga pagbabawal sa health restrictions, kung saan mas pinaboran ng mga nasa kapangyarihan ang pagkilos ng mga Pilipino sa labas ng kanilang mga kabahayan, kahit na hindi tiyak ang kanilang kaligtasan sa virus.
***
21 MINUTOS HOSTS: MAY MENSAHE ANG DIYOS SA PATULOY NA PANANALASA NG COVID 19: Samantala, sa daily radio-online morning show na 21 Minutos Mas o Menos noong umaga ng Enero 03, 2022, idiniin ng mga hosts na sina Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, G. Rod Cornejo, at ng inyong lingkod, si Atty. Batas Mauricio, na ang mensahe ng nagpapatuloy na pandemya kahat pa sa hanay ng mga nauna ng nabakunahan ay ang katotohanang ang Diyos wala ng iba ang solusyon upang mapagtagumpayan ang virus.
Maliwanag na walang nagawa ang talino ng tao sa paggawa ng mga bakuna para maalis ang COVID 19. Ipinakikita ng patuloy na pagkalat ng sakit na ito, sa mas malala pang bilang o kaparaanan sa buong mundo sa kasalukuyang panahon, na ang pandemya ay ginagamit ng Diyos upang matuto ang tao na totohanang makinig at sumunod sa Kaniyang mga utos.
Kailangan na ng buong mundo na matutong magpakumbaba, tumalikod sa kasalanan, at makinig at sumunod sa mga utos ng Diyos, upang maalis ang pandemya. Hanggang hindi ito nauunawaan ng tao, hindi aalisin ng Diyos ang COVID 19, kahit pa ang buong mundo na ang nananalangin na maalis na ito.
***
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.