Advertisers
HUMATAW ang dami ng nagkaroon ng C19, pagpasok ng ’22 na naglagay sa bansa muli sa mata ng mundo bilang the Rising COVID Country in the Pacific, hehehe. Masakit man sa pandinig at masama sa pakiramdam ang bansag na ito’y tila malapit sa katotohanan. Napakabilis ng pagdami ng nagkaroon ng C19 partikular ang napapabalitang Omicron Variant na parang apoy na hinihipan ng hangin sa pagdami. Sa tala, mukhang hindi kapani-paniwala na nagmula ito sa isang balikbayan na tumakas sa quarantine site, nagparty at nagkalat ng virus.
O sa dalawa pang OFW na nagkaroon din ng C19 na mabilis na naihiwalay sa lugar na kanilang dapat patunguhan. Sa paglago ng bilang sa iba’t ibang panig ng bansa partikular sa NCR na hindi naman lahat napuntahan ng salarin ang nakapagtataka kung bakit ganoon kabilis ang pagdami at dagling nagtaas ng alert level ang pamahalaan upang maghigpit sa pinaluwag na patakaran sa health protocol. Ano ang katotohanan sa likod ng kaganapan?
Masasabi na nariyan o nasa loob na ng bansa ang pandemya o ang variant ng omicron ngunit ang kailanga’y may dapat pagtampulan ng ‘di maisisi sa pagdedeklara ng mas mababang alert level bago ang poblacion incident, na hindi naman gumala sa buong kaMaynilaan na tumaas ng napakataas na maihahalintulad sa ‘di mapigilang bola ng apoy. At tila may nagsindi ng mitsa upang maitago ang kahinaan ng pagluluwag ng alert level bago ang kapaskuhan.
Sa pagtatala ng dami ng nagpositibo sa C19, hindi proportional ang dami, ng kaibigang nakasalamuha ni Poblacion Girl upang ituon dito ang kabuuang dahilan ng pagdami nito. O sadyang malas ni Poblacion Girl at ito ang ginawang dahilan sa muling pagkalat ng pandemya na may bagong variant “omicron”. Ang hinahanap dito at walang minamali ang katotohanan ng paglobo ng bilang na nagkapandemya, gayong wala sa maraming lugar na may mataas na bilang ng C-19 si Poblacion Girl.
Hindi namamatay ang espekulasyon na narito ang Omicron at mali ang pagluluwag o pagbaba ng alert level bago ang kapaskuhan. Siyempre, ang karaniwang responde, ang reactive action sa sitwasyon. Dahil hindi inaasahan na ganito karami ang nagkaroon sa kabila ng pagbabakuna… hayun nagkataon na may puputukan ng maling utos.. siya na ito? May aako ba o aamin sa kahinaang ito o sadyang charged to experience na naman.
Sa kasalukuyan, tila bumalik ang dami ng nagkakaroon ng Covid 19 gayong marami-rami na ang nabakunahan maging sa kaMaynilaan ngunit marami sa nagkaro’y mga bakunado kontra C-19. Masasabing ganda lang nito’y hindi na maka-agaw buhay ang magkaroon ng pandemya lalo sa mga bakunado. Ngunit ang pagkakaroon ng C-19’y hindi kasiya-siya na sa halip na gumaganap o ginagampanan ang mga gawain sa opisina o sa bahay ang nagkaroo’y tila pasanin ng kabahayan na pumipigil sa mga kasambahay na gumalaw ng natural.
Ang pag-iisa o isolate sa mga kakilala o kasama’y isa ding uri ng indirektang parusa sa sarili. At ito ang hindi nakita ng mga nagluwag ng patakaran para sa payatibong pagsulong ng kabuhayan ng bansa. Ang pagsulong ng ilang hakbang para sa kalakalan ang nagtulak sa bansa sa mas malalim at madilim na hinaharap.
Tunay ang kasabihan na ang kalusuga’y kayamanan, ang pagkakamali sa desisyong luwagan ang pagpapatupad ng health protocol ang siyang nakikitang dahilan ng pagkalat ng pandemya na nagpatigil o magpapatigil ng maraming negosyo sa bansa. Mukhang hindi natututo ang pamahalaang ito sa maraming bagay. Talagang manhid o grado 75 lang ang kakayahan sa pagdedesisyon o sanay sa maliliit na tagumpay sa buhay. Ang malaking tsamba na mahalal sa pambansang larangan ng politika’y tila pangarap na ngayo’y sinasamantala upang mapanatili ang sarili sa estado na kinasapitan. Ang urong sulong na pagpapasya, ang pagtulak sa mga kaalyado o pagtulak sa anak na pumalaot sa pambansang halala’y tila pandemya na papasanin ng bayan sa mas mahabang panahon.
Ang uri ng walang alam na liderato ngayon ang uso sa bansa na tinitingala ng ilang nakinabang at patuloy na nakikinabang. Ang pandemyang muling kumalat sa bansa’y ‘di dala-dala ni Poblacion Girl, malamang na nagsugal ang ilan at sumandal sa roll-out ng bakuna, na hindi mapanghawakan. Resulta muling pagsipa ng pandemya sa bansa. At ito ang kaganapan na maaring maganap sa bansa kung si Mang Jua’y tataya at susugal sa Inferior Dabaw Group na alang alam kundi ang tumaya sa sugal ng buhay. Nais muling makatsamba.
Ang kaganapan sa pandemya’y mula noong unang sumipa hanggang sa muling pagsiklab nito’y patunay na hindi napanghahawakan ng pamahalaan. Sa halip na magtasa sa kaganapan umasa sa mga survey na ginagawang negosyo ng marurunong kuno na siyang ginamit na basehan sa pagdedesisyon sa pagluluwag ng health protocol. Sa dami ng mga taong gobyerno na maaaring manduhan upang aralin ang kaganapan sa baba ng lipunan, umasa ang IDG sa ilang grupo na tumama sa ilang pag-aaral ngunit ngayo’y nagkukumahog na muling iakyat ang kredibilidad dahil sa kapalpakan.
Malinaw na mababaw ang bench ni Totoy Kulambo sa lahat ng uri ng usapin pang bayan. Naghihintay ‘di kinikilusan ang mga bagay na dapat na sana’y ginagawan ng pag-aaral bago pa man dumating sa bayan. Maging pro-active naman kayo ng makakita si Mang Juan ng magandang nagawa ng administrasyong ito lalo may anim na buwan pang pananatili sa Balite ng Malacanan.
Sa ngayon, na nariyan na ang Omicron at pagdami nito, ang pagsisiguro ng pamahalaan ang siyang inaasahan sa anumang antas na dala nito. Ang pag-aralan ang pagpapasya lalo’t si Mang Juan, Mang Rod Aling Marya at ang balana ang humaharap lalo sa baba ng lipunan, inaasahan ang mas malalim na pagsusuri ang gagawin ng di maulit ang pagkakamali sa nakaraan. Batid na walang aamin sa kahinaan ng naganap na pagpapasya, ang may batayang pagpapasya ang siyang dapat gawin sa hinaharap ng ‘di masakripisyo ang kalusugan o ang buhay ng mga Pilipino.
Hindi na hinahabol sa pagkakamali, ngunit ang di maulit ang inaasahan lalo’t anim na buwan na lang ang pagpapasikat na maaaring gawin para sa mamamayan. Ang hindi maulit ang pagkalat ng pandemya’y dapat gawin dahil marami pa kayong gawin na kailangang harapin. Tandaan ‘di pa nakababangon ang mga sinalanta ni Odette na ngayo’y patuloy na nakatunganga. Ano kaya niyo?
Maraming Salamat po!!!