Advertisers
Bulilyaso ang ilang kontrabando na naglalaman ng mga ilegal na droga na idineklarang mga Pentel pen galing Nevada, USA nitong Miyerkoles sa Port of Clark sa Pampanga.
Kinilala ang naarestong drug suspek na si Eric Ambrosio Roperos, 47-anyos, residente ng 43 BPI Nursery Compound, Brgy. Vasra, Visayas Ave., Quezon City.
Ang pagkakatuklas sa kargamento na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride at marijuana, bunsod ng sanib-puwersang operasyon ng Bureau of Customs-Port of Clark katuwang ang PDEA, CAIDTF, ESS, XIP at CIIS.
Sa report, idineklarang mga pen ang kontrabando mula sa Henderson, Nevada, USA at nang usisain natuklasan sa 8 pirasong expo marker pens, 1 pack ng dart flights, 1 pack ng magazine na may label na “Pop Boys” ang 3 transparent plastic sachet ng shabu, at 1 transparent plastic ng liquid marijuana.
Dahil sa natuklasang mga kontrabando, agaran itong inisyuhan ni District Collector Alexandra Lumontad ng Warrant of Seizure and Detention dahil sa violation of Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 par. f, i & l (3&4) ng R.A. 10863 o mas kilalang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) in relation to R.A. 9165 otherwise known as the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasalukuyang nakakulong sa jail facility ng PDEA ang suspek sa San Fernando City, Pampanga habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.(Mark Obleada)