Advertisers
MAKABULUHAN at makasaysayan ang taong 2022 sa pitumpu’t anim na magsasaka mula sa Pioduran, Albay dahil magkakaroon na sila ng sarili nilang lupang sinasaka matapos ang labinglimang taong pakikibaka.
Ipinarating ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) na opisyal nang igagawad sa kanila ang 138-ektaryang lupain.
Bibigyan ang 76 ARBs ng Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) na siyang magsisilbing katibayan na sila na tunay na may-ari ng 138-ektarya.
Ang pagkakaroon nila ng sariling lupang sinasaka ay premyo ng hirap at tagal ng kanilang pakikibaka mula sa dating mga nagmamay-ari ng nasabing 138-ektarya na sina Pablo Alsua, Amparo Buenviaje at Ramon Alsua.
Batay sa rekord ng DAR, dapat napunta sa 76 magsasaka ang 138- ektarya kung ‘di hinarang ng mga panginoong maylupa ang plano ng DAR.
Noong 2005, nagsimulang kumilos ang mga panginoong maylupa upang iatras ng DAR ang “Notice of Coverage”.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi tumiklop ang DAR.
Hindi rin naduwag ang mga magsasaka dahil kakampi at katuwang nila ang DAR laban sa mga panginoong maylupa.
Kaya, hindi nasayang at nabalewala ang labinglimang taong haba ng pakikibaka.