Isko nanawagan sa OFWs na positive sa COVID na samantalahin ang MCFH
Advertisers
ANG balitang ito ay para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino returnees na positive sa COVID-19 pagdating sa bansa.
Nanawagan si Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno sa lahat ng mga OFWs at returning Filipinos na samantalahin ang Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) kung saan sila puwedeng ma-accommodate nang libre sa halip na gastusin ang mga pinaghirapang kita sa kapareho ding pasilidad.
“Access is available to them anytime. Just tell the BOQ (Bureau of Quarantine) ‘wag na kayo dalhin sa hotel. You can request. Hanggang kaya, tutulong kami,” sabi Moreno.
Ayon kay Moreno, hindi mabilang ang mga immigrants at OFWs na nagpadala ng cash donations sa kasagsagan ng pandemya noong 2020 at ang pagbibigay ng libreng accommodation sa mga OFWs at Filipino returnees ay isang maliit na tulong lamang na maipagkakaloob ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
“Kung ano ang itinanim, siyang aanihin. Ito ay paglingon sa mga tumulong sa amin sa kasagsagan ng aberya nung 2020. So, ito man lang ay maisukli sa OFWs and returnees,” sabi ng alkalde.
Ginarantiyahan ni Moreno at ni Vice Mayor Honey Lacuna na bawat isang sentimo na pumapasok sa kaban ng bayan ay ginagasta sa mabuting paraan at para sa kapakinabangan ng nakararami.
“Wala man kaming magawa sa impeksyon, meron naman tayong magagawa para mabuhay ang tao. Basta kami ni Vice Mayor Honey ay pipilitin naming lagi na maging masinop, mainam at episyente,” pahayag ni Moreno na nagsabi din na ang tanging hinihingi niya lamang ay magpabakuna na ang publiko at patuloy na gawin ang basic health protocols upang maiwasang mahawa virus.
Tiniyak ng alkalde na ang lahat nang mag-a-avail ng free accommodation sa field hospital na pinamununuan ni Dr. Arlene Dominguez bilang director ay magiging comportable at walang iintindihing gastos kahit isang sentimo hanggang sa sila ay gumaling.
“Welcome kayo sa Maynila. We are offering the said services for free, Komportable, walang tosgas. Me aircon, maayos na hospital beds, doctors, nurses food oxygen, gamot, wifi at may libre chicha pa three times a day. Para nang sa ganun, ‘yung naipon ninyong pera di na masusugatan pa at maiuuwi ninyo nang buong-buo sa inyong tahanan,” sabi ni Moreno.
Binanggit ni Moreno na maraming requests ang natatanggao ng city government mula sa mga OFWs at Filipino returnees para sa free accommodation, dahil ayaw ng mga ito na ang bahagi ng kanilang kinita sa ibang bansa sa mapunta lamang sa hotel expenses habang naka-quarantine.
Mula sa records na ibinigay ni Dominguez, sinabi ng alkalde na simula pa noong December 31 noong isang taon, mahigit 100 OFWs at Filipino returnee ang na-accommodate sa MCFH.
Idinagdag pa ni Moreno na iniulat ni Dominguez na 105 mula sa 344 beds ng ospital ay okupado, hindi katulad noong isang linggo kung saan ang occupancy rate ay umabot sa 93 percent. (ANDI GARCIA)