Advertisers

Advertisers

Pag-apruba ng Senado sa MDDA, ikinagalak ni Bong Go

0 176

Advertisers

Ikinagalak ni Senator Bong Go ang pag-apruba ng Senado sa panukalang batas na lumilikha ng Metropolitan Davao Development Authority

Inaprubahan ng Senado ang panukala na naglalayong tugunan ang lumalaking pangangailangan ng Davao City at mga kalapit na lugar sa pamamagitan ng iba’t ibang serbisyong pampubliko.

Si Go ay kasamang nag-sponsor ng House Bill No. 8930 sa ilalim ng Senate Committee Report No. 293 na lumilikha ng MDDA at magbibigay ng mga serbisyo sa rehiyon ng Davao kabilang ang pagpaplano ng pagpapaunlad, pamamahala sa transportasyon, pagtatapon at pamamahala ng solid waste, urban zoning, pagpaplano ng paggamit sa lupa, mga serbisyo ng pabahay, kalusugan, kalinisan, pati na rin ang kaligtasan ng publiko.



Pinasalamatan ng senador ang kanyang mga kasama sa pagpapakita ng suporta para sa panukala sa pagsasabing kinakailangan na talagang lumikha ng ahensya na maaaring magsentralisa at mangasiwa sa mga pagsisikap at mga hakbangin na tumatalakay sa mga hamon na kinakaharap ng rehiyon ng Davao.

“Isinasaalang-alang ang mabilis na urbanisasyon ng Davao City at pagtaas ng populasyon ng mga kalapit na lungsod, ang pagpasa ng panukalang ito ay napapanahon at pahahalagahan ng mga Davaoeño,” ani Go.



“Sa pamamagitan ng MDDA, maipagpapatuloy natin ang pangako ng mahal na Presidente (Rodrigo) Duterte at ng inyong lingkod na mabigyan ng komportableng buhay ang bawat Pilipino,” aniya pa.

Ang iminungkahing MDDA ay magkakaroon ng hurisdiksyon sa Davao City at sa mga kalapit na lungsod ng Panabo, Tagum, at Island Garden City ng Samal sa Davao del Norte; ang Lungsod ng Digos sa Davao del Sur; at ang Lungsod ng Mati sa Davao Oriental.



Sakop din nito ang mga munisipalidad ng Sta. Cruz, Hagonoy, Padada, Malalag at Sulop sa Davao del Sur; Carmen sa Davao del Norte; Maco sa Davao de Oro; at Malita at Sta. Maria sa Davao Occidental.

Magiging tulay din, ani Go, ang MDDA para mapagbuklod ang publiko at pribadong sektor dahil isa sa mga mandato nito ay ang pakikipagtulungan sa mga pribadong organisasyon at sa mga negosyo na nag-ooperate sa Metropolitan Davao.

Si Go, bilang may-akda, ay naghain din ng sarili niyang bersyon ng panukala, ang Senate Bill No. 2157, noong Mayo noong nakaraang taon. Siya ay nagmula sa Davao City at nagsilbi bilang aide ng noo’y Davao City mayor na si Pangulong Duterte sa loob ng mahigit 20 taon.

Dahil ang Davao region ay isa sa mga sentro ng kaunlaran sa Mindanao, sinabi ni Go na ang MDDA ay inaasahang magsisilbing gateway upang mapalawak ang pag-unlad sa ibang mga rehiyon sa Mindanao.

“Dahil sa mabilis na paglago ng ekonomiya ng Davao City at karatig-LGUs nito, panahon na po upang magkaroon ng isang sentralisadong ahensya na siyang magbibigay ng iisang direksyon at magsisilbing gabay sa urban planning ng mga lugar na ito,” ayon sa senador.