Advertisers

Advertisers

Mga sangkot sa Pastillas scam inirekomendang kasuhan ng Senado

0 415

Advertisers

HINIKAYAT ni Senador Risa Hontiveros na sampahan ng mga kasong kriminal ang mga indibidwal na sangkot sa pastillas bribery scam.

“Kung akala nila napatahimik nila ang imbestigasyon ukol sa pastillas scam, nagkakamali sila. Oras na para todong i-overhaul ang Bureau of Immigration. Ang mga inirerekomenda nating kasuhan sa ating committee report ay mga immigration personnel. Dalawang taon ang ginugol ng imbestigasyong ito dahil desidido tayong mapanagot ang mga tunay na may sala,” sabi ni Hontiveros.

Ipinaiikot ngayon ng senador ang Committee Report sa Senate Resolution No. 131 pagkatapos ng dalawang taong pagsisiyasat ng Committee on Women, Children, Family Relations, at Gender Equality. Ang komite ay nagsagawa ng serye ng mga pagdinig para imbestigahan ang ugnayan sa pagitan ng paglaganap ng Philippine offshore gaming operators (POGO) at pagdami ng mga kaso ng prostitusyon at human trafficking.



“Malakas ang ebidensya natin — mula sa napakaraming screenshot hanggang sa testimonya mismo ng ating mga whistleblower na taga-BI rin. Salamat sa kanilang katapangan at pakikiisa. Ito din ay patunay na hindi lahat sa BI masasama at corrupt; may mabubuting loob na gusto rin baguhin ang mga nakasanayan na,” sabi ng senador.

Bukod sa mga tauhan ng Bureau of Immigration, inirerekomenda rin ng committee report na magkaroon ng karagdagang pagsisiyasat sa posibleng pananagutan ni dating SOJ Aguirre sa pagkakatalaga nito kay Marc Red Mariñas at sa pag-iisyu ng Department Order No. 41 na nagpahintulot sa mag-amang Mariñas na magkaroon ng wide discretion sa pag-apruba ng Visa Upon Arrivals.



“Dapat may managot. Bilyon-bilyong salapi ang nakupit ng mga kriminal na nasa likod ng Pastillas scam sa Bureau of Immigration. Malaking kahihiyan ito. Nang dahil sa kanila, nakapasok ang mga masasamang elemento sa ating bansa na nambiktima ng ating kababaihan at kabataan,” ani Hontiveros.

Noong 2020, pinangunahan ni Hontiveros ang mga pagdinig ng senado hinggil sa pastillas scam. Dito naisiwalat na may ilang immigration personnel na tumatanggap ng grease money kapalit ng tuluy-tuloy na pagpasok ng mga Chinese national, na karamihan ay mga POGO worker.



“Kailangang palakasin ang check and balance mechanisms sa loob ng BI. Nang dahil sa mga tiwaling opisyal, buhay at kinabukasan ng mga Pilipino ang nasisira.

Bigyan natin ng hustisya ang ating kababaihan at kabataan. Kasuhan ang may anomalya, panagutin ang may sala,” pagtatapos ni Hontiveros. (Mylene Alfonso)