Advertisers
SALAMAT naman at nadinig na rin ng ating mga mambabatas ang mga panaghoy ng mga pamilya ng 30 kataong nawawala na may kaugnayan sa e-sabong. IImbestigahan ng Senate Committee on Peace and Order and Illegal Drugs na pinamumunuan ni Sen. Bato Dela Rosa ang misteryosong pagkawala ng mga cock handlers, mga ahente at iba pang nagtatrabaho sa mga sabungan sa National Capital Region at iba pang mga kalapit na lugar. Mantakin nyo mula pa pala noong 2021 ang pagkawala ng mga ito na nabigyan lamang ng pansin ng publiko dahil sa sunod-sunod na kidnapping incidents sa pagpasok ng bagong taon. Hanggang ngayon wala pang malinaw na resulta ang ginagawang imbestigasyon ng PNP at NBI dahil patuloy pa ang kanilang pagkalap ng mga ebidensya tungkol dito sa gitna ng pagkadismaya ng mga mahal sa buhay ng mga nawawalang sabungero.
Ito na nga ang sinasabi ni Senatorial aspirant at dating Speaker Alan Peter Cayetano nang tutulan nya ang pagbibigay ng prangkisa ng kongreso sa mga e-sabong firms. Ayon nga kay Cayetano isang malawakang pandemya ang e-sabong para sa ating mga kababayan dahil walang malinaw na regulasyon tungkol dito at kahit mga menor de edad ay lulong na sa talpakan. Sinabi din Sen. Bato na isang banta sa seguridad ng bansa ang e-sabong dahil napakarami ng krimen ang nangyayari dahil dito.
Ilan na nga ba ang nagpakamatay dahil nalubog sa utang sa katatalpak? Ilang estudyante na ang nasira ang buhay dahil na-adik sa e-sabong? Ilang maliliit na magsasaka at mangingisda na rin ang nagbenta ng kanilang lupain at mga ari-arian para makataya sa talpakan? At ilang mga OFWs na ang nalimas ang naipong pera sa pagkayod sa ibang bansa dahil sa pagkalulong sa bisyong ito? Marami na po sila, marami ng biktima ang e-sabong. Pati mga propesyunal hindi rin nakawala dito. Marami na ring pulis ang nagholdap at nagnakaw dahil sa pagkalulong sa e-sabong. Isa na rito si Patrolman Glenn Angoluan na nangholdap ng gasolinahan sa Batangas dahil milyones ang utang dahil sa e-sabong.
Pandemya talagang maituturing ang e-sabong dahil magiging kultura ang gambling over hard work. Darating ang punto na puro online gambling na lang ang gagawin ng6 ating mga kababayan at hindi na magbabanat ng buto para mabuhay. Giit pa ni Cayetano, hindi lamang ito isang religious issue, kundi mahalagang social issue rin.
Ngayong kampanya na para sa May elections, maitanong lang natin sa mga kumakandidato ngayon lalo na sa mga pambansang posisyon, kung ano ang kanilang paninindigan sa e-sabong. ALam naman natin na walang kaabog-abog na inilusot ng kamara ang pagbibigay prangkisa sa Lucky 8 Quest Inc. na isang e-sabong company. Pinirmahan na rin ang komite report na ito sa senado at kasama sa mga lumagda para bigyan ng prangkisa ang e-sabong ay ang mga re-electionist senators pa na sina Miguel Zubiri at Sherwin Gatchalian. Bilang mga kasapi ng Committee on Public Service. Ano kaya ang nararamdaman nila ngayon na may nadagdag na naman na posibleng nagbuwis ng buhay sa e-sabong kapalit ng P2.8B na kikitain ng gobyerno kapag ito’y nabigyan ng prangkisa.
Kaya naman, hindi dapat maligaw ang atensyon ng mga botante sa mga kaliwa’t kanang motorcade at political rally ng ilang mga kandidato. Wag nyong lunurin sa hiyawan, ang dapat ay angkop na mga plataporma de gobyerno ng mga kandidato. Wag nating hayaan gawing prayoridad ang pagbibigay halaga sa kikitain ng gobyerno mula sa e-sabong kapalit ng mga trahedya, pagbagsak ng moralidad, at pagkawasak ng maraming pamilya dahil sa e-sabong.
Gawin nating prayoridad ang moralidad,sipag at buhay ng mga tao lalo na sa mga usapin na kinakaharap ng ating bayan sa ngayon.