Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
HINDI rin biro ang pinagdaanan ni Vince Rillon bago siya napansin at nabigyan ng big break sa pagbibida sa pelikula.
Katunayan, aminado siyang dumaan sa butas ng karayom lalo na’t stiff ang competition sa showbusiness.
Nagsimula siya sa bit at cameo parts bago siya nabigyan ng pagkakataon na magbida sa “Resbak” na nagwagi siya ng kauna-unahang international acting award as best actor sa prestihiyosong 19th Asian Film Festival sa Rome na ginawaran naman ng Lifetime Achievement award ang kanyang mentor na si Brillante Mendoza.
Ani Vince, hindi raw agad nag-sink in sa kanya na nanalo siya dahil hindi siya makapaniwala sa pagkapanalo.
Kahit may international recognition na bilang best actor, sinigurado naman niyang hindi siya magiging pihikan sa pagpili ng roles.
Hirit pa niya, nae-enjoy daw naman niya ang pagpapa-sexy lalo’t ang bawat role ay oportunidad para sa kanya para maipakita ang kanyang versatility.
Dagdag pa niya, wala raw namang dapat mabago sa kanyang attitude bilang actor sa pagkakaroon ng award.
Patuloy pa rin daw siya sa paggawa ng mga pelikulang sa palagay niya ay hahamon sa kanyang kakayahan bilang actor dahil gusto niyang manatiling “grounded.”
Si Vince ay mapapanood sa sexy thriller na Kaliwaan na idinirehe ni Daniel Palacio at ikinu-produce ng Cannes best director Brillante Mendoza.
Ginagampanan niya ang role ni Boogie, isang security guard na may karelasyong ambisyosang spa girl na si Monica na binibigyang buhay ng pantasya ng bayan na si AJ Raval.
Sa kabila nito, magagawa pang makipagsiping ng kanyang girlfriend kay Raji, isang bigating businessman (Juami Gutierrez).
Sa galit ni Boogie ay reresbakan niya si Raji na siya namang mako-comatose.
Ikakanta ni Monica sa mga pulis ang krimen na ginawa ni Boogie.
Samantala, hihingi ng proteksyon si Boogie sa tiyuhin niyang pulis na si Marlon na ginagampanan ni Mark Anthony Fernandez.
Ngunit habang sinusubukan ni Boogie na makipag-ayos kay Monica, hindi niya alam na may panganib na nag-aabang sa kanya, dahil maghihiganti sa kanya ang pamilya ni Raji.
Kilala si Brillante sa paggawa ng madilim ngunit makatotohanang pelikula na nagkaroon din ng malaking impact sa ibang bansa, tulad ng “Tirador”, “Serbis” (2008), “Kinatay” (2009), at “Captive” (2012).
Sa “Kaliwaan”, ipamamalas muli ng filmmaker ang kanyang expertise sa ganitong klaseng kwento sa tulong ng young director na si Daniel Palacio.
Ang “Kaliwaan” ay mapapanood na sa Vivamax simula sa Abril 29.