Advertisers

Advertisers

Diskuwalipikasyon nakaamba! ENZO ORETA, KAALYADO SA MALABON KINASUHAN SA COMELEC

0 1,249

Advertisers

NAGSAMPA ang isang taga-Malabon na si Emily S. Cano ng kaso laban sa tumatakbong Alkalde ng lungsod na si Jose Lorenzo “Enzo” Oreta at iba pang mga kandidato dahil sa paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code of 1985 o Batas Pambansa Blg. 881 at iba pang kaugnay na batas.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Cano, si Enzo Oreta at ang kanyang mga kapartido sa Team Pamilyang Malabonian na sina Diosdado “Dado” Cunanan and Prospero Alfonso “Peng” Manalac ay nakitang nangangampanya sa Health Caravan na ginanap noong April 22, 2022 sa Potrero Super Health Center, Malabon. Kasama sa mga gawaing may kaugnayan sa pangangampanya sa lugar ang pamamahagi ng mga kulay rosas na eco-bag na may pangalang “Enzo Oreta” at may slogan na “Kaasenso.”

Nakita rin ang mga health worker sa caravan na humaharap sa publikong nakasuot ng unipormeng may pangalang “Enzo Oreta” at may slogan na “Kaasenso.” Ang pangalan ng kandidato at ang nasabing slogan ay nakita rin sa mga resetang inisyu ng mga health worker sa mga pasyente. Nakita rin ang campaign team ni Oreta na namamahagi ng mga pamaypay na may pangalan at mukha ng kapartido at tumatakbo sa Kongreso na si Josephine Veronique “Jaye” Lacson-Noel.



Bago ang caravan, ang Facebook account ng Malabon City Health Department at Potrero Super Health Center ay may iba’t ibang mga post na ginamit ang mga poster-announcement na may campaign logo na may pangalang “Enzo Oreta” at may slogan na “Kaasenso.”

Nakasaad sa Section 261 ng Omnibus Election Code na ipinagbabawal ang pagsali ng mga pampublikong opisyal at mga empleyado sa anumang pangangampanya para sa eleksyon, at ang paggamit ng pampublikong pondo, kagamitan at pasilidad na pag-aari at kontrolado ng gobyerno para sa pangangampanya sa eleksyon.



Sa ilalim ng Commission on Elections (COMELEC) at Civil Service Commission (CSC) Joint Circular No. 001, series of 2016, ipinagbabawal ang pagsusuot ng mga t-shirt, pin, cap, o anumang katulad na mga gamit na may pangalan ng mga kandidato ng partido at ang paggamit ng mga pag-aari ng gobyerno tulad ng mga tauhan at kagamitan para sa mga layuning pampulitika. Ipinagbabawal din sa circular ang pakikilahok sa pangangampanya at iba pang gawaing politikal na pumapanig sa isang partido para sa mga taong bahagi ng civil service sa lahat ng sangay at ahensiya ng gobyerno at mga career officer na may katungkulan sa pulitika.

Ayon sa CSC, ang mga naturang gawain ay ipinagbabawal sa 1987 Constitution, at ang mga mapapatunayang nagkasala sa pakikilahok sa mga gawaing politikal na may pinapanigang partido ay papatawan ng parusang isang buwan at isang araw hanggang anim na buwang suspensyon para sa unang paglabag, at pagkakatanggal sa serbisyo para sa pangalawang paglabag, batay sa 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.



Ang nasabing kaganapan ay labag din sa Section 55 ng Administrative Code of 1992 o Executive Order No. 292 na sinasabing hindi dapat sumali ang mga empleyadong nasa Civil Service sa mga gawaing politikal na pumapanig sa isang partido. Ipinagbabawal din ng Section 93 ng Local Government Code of 1991 ang mga gawaing politikal na pumpanig sa isang partido.

Bukod sa mga kandidato, inaakusahan din ang ibang mga opisyal ng lungsod na nag-apruba at naglabas ng pondo para sa health caravan kasama na ang OIC-City Health Officer na si Dr. Maria Andrea Sena-Bugayong, ang Health Promotion Unit at Potrero Super Health Center na sangkot sa ipinagbabawal na gawain at paglabag sa mga batas ng eleksyon.

Nakasaad sa Section 264 ng Omnibus Election Code of 1985 na ang mga paglabag sa batas ng eleksyon ay may kaparusahang pagkakakulong at diskwalipikasyon sa pagkakaroon ng katungkulan sa gobyerno at pag-alis ng karapatan sa pagboto.