Advertisers
SUPORTADO ng Malacañang ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y “ghost internet scheme” at paggamit ng lumang software sa ilang digital projects ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay Palace Press Officer, Atty. Claire Castro, nararapat lamang na siyasatin ang anumang transaksyong may alegasyon ng iregularidad upang matukoy kung may pananagutan ang mga sangkot.
Giit ng Palasyo, dapat managot ang sinumang mapatutunayang umabuso sa pondo ng pamahalaan.
Mahalaga, aniya, ang masusing imbestigasyon upang matiyak na napupunta sa tamang serbisyo ang pondong inilaan para sa digitalization program ng gobyerno.
Ayon kay Castro, maaaring maapektuhan ang layunin ng pamahalaan na mapalawak ang internet connectivity sa buong bansa kung hindi maayos o kulang ang serbisyong naibibigay.
Hindi rin magiging epektibo ang mga digital project kung hindi natutupad ng mga contractor ang kanilang mga obligasyon.
Dahil dito, nanawagan ang Malacañang sa mga kontraktor na seryosohin ang kanilang mga kontrata sa pamahalaan.
Giit ng Palasyo, hindi dapat abusuhin ang tiwala ng gobyerno at ng publiko at dapat ding tiyakin ng mga contractor na naaayon sa napagkasunduan ang serbisyong kanilang ibinibigay. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)