Advertisers
NAGING mainit ang pagtanggap ng pamahalaang lokal ng Muntinlupa City sa pagbisita ni Senator Lito Lapid kasama ang mga kinatawan ng Pinuno Partylist para sa isang kortisiya na ginanap sa Peoples Center ng Muntinlupa City hall.
Ang grupo ng Pinuno Partylist ay sinamahan ni Lapid kung saan ay sinalubong sila ni Congressman Ruffy Biazon at ilang opisyales nito.
Ayon kay Howard Guintu ng Pinuno partylist, nakahanda na ang kanilang magagandang adhikain na programa tulad ng mga pabahay para sa mga manggagawa sakaling makalusot sila sa National and Local election ngayong ika-9 ng Mayo.
Kasama rin sa plano ng grupo ang tulungan ang mga informal settler sa National Capital Region (NCR) na patuloy na nakararanas ng hikahos sa buhay bunga ng pandemya, at isa rin sa pagtutuunan ng pansin na mabigyan ng pabahay upang hindi na sila mangupahan at magpalipat-lipat ng tirahan.
Ang simpleng diyalogo ng mga kinatawan ng Partylist group sa mga mamamahayag ay sinabayan din nila ng motorcade kung saan ay sinamahan ni Biazon si Lapid na mag-ikot sa ilang barangay ng lungsod.
Labis-labis naman ang pasasalamat ng nasabing partylist group sa mga residente ng lungsod dahil sa suportang ipinakita ng mga ito.(JOJO SADIWA)