Advertisers
SINUSPINDE na ng Commission on Elections (Comelec), na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC), ang canvassing ng mga boto para sa senatorial at party-list race nitong Lunes ng hapon.
Ayon kay Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, naghihintay pa sila ng electronic transmission ng mga resulta ng halalan.
Ipagpapatuloy na lamang anila nila ang canvassing ngayong araw ng Martes, ganap na ala-1:00 ng hapon.
“At this point, we are still awaiting electronic transmission of the results and, therefore, this canvass is hereby suspended to resume tomorrow at one o’clock in the afternoon,” ani Pangarungan.
Matatandaang una nang nag-convene ang Comelec bilang NBOC, ilang oras bago matapos ang halalan ganap na alas-7:00 ng gabi.
Ang NBOC, na binubuo ng mga Comelec commissioners, ang siyang magsasagawa ng canvassing ng mga boto at magpuproklama ng mga senatorial candidates at party-list groups na nanalo sa May 9 polls.
Samantala, ang Kongreso naman ang magsasagawa ng canvassing ng boto at pagproklama ng mga nanalong kandidato sa presidential at vice presidential race.
Una nang sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na maaaring maiproklama nila ang mga bagong senador ng bansa sa Mayo 15 o 16.
Para sa lokal na posisyon naman, maaari umanong maiproklama ng local Comelec officials ang mga nanalong kandidato nitong Lunes ng gabi, pagkatapos ng eleksiyon, hanggang Martes, Mayo 10. (Andi Garcia)