Isko at Honey nagpasalamat sa media at vloggers
Advertisers
NAGPASALAMAT si Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng miyembro ng media at sa mga vloggers na ayon sa kanya ay mahalagang bahagi ng kanyang biyahe bilang presidential candidate.
Ipinahayag ni Moreno ang kanyang pasasalamat matapos na bumoto sa Magat Salamat Elementary School sa Tondo dakong alas- 11 a.m. Bago ito ay nagpunta muna siya at bumisita sa Simbahan sa Tondo.
Samantala si Vice Mayor Honey Lacuna, na nauna ng bumoto sa Legarda Elementary School, ay nagpasalamat din sa media at vloggers sa pagso-showcase ng lahat ng mga nagawa nila ni Moreno sa Maynila sa loob ng tatlong taon nilang tambalan bilang mayor at vice mayor.
Nanawagan din si Lacuna ng parehas na eleksyon makaraang tanungin sa mga ulat na umanoy malawakang vote-buying ng kanyang mga karibal sa Districts 4 and 5.
Habang bumoboto ay nakaranas ng problema si Lacuna makaraanf i-eject ang kanyang balota ng vote counting machine. Pumasok naman ito nung ikalawang ulit na.
Sa kanyang bahagi ay sinabi naman ni Moreno na ngayon niya napagtanto sa kanyang pagtakbo bilang presidente na marami mga Pinoy ang nakakaranas ng kahirapan sa mga probinsya.
“Nagulat ako dahil marami pala talaga ang gusto ay ‘peace of mind.’ Sana palarin tayo ng Diyos na matapos ang halalang ito na matahimik, mapayapa at matagumpay,” sabi nito.
“Kung sakaling palarin tayo, bibigyan ko kayo ng kapanatagan, di ko kayo ipapahiya makaka move on tayo nang mabilis,” dagdag pa ni Moreno.
Binati rin ng alkalde ang kanyang mga karibal ng good luck and good health.
Sa kanyang mga campaign sorties, sinabi ni Moreno na nalulungkot siya dahil maraming Pinoy sa lalawigan ang napapabayaan ng kanilang pangunahing pangangailangan tulad ng kuryente at tubig.
“Napagkaitan ng progreso yung mga kababayan natin sa iba’t-ibang dako ng bansa sad to say, but true. Tama ang desisyon ko na tumakbong Presidente nang magkaroon naman ng opsyon ang mg,a tao bukod sa awayang pula at dilaw,” sabi ni Moreno.
Nagpasalamat din ng marami ang alkalde sa mga volunteers, supporters, members ng media dahil sa pagiging “part of my journey.” (ANDI GARCIA)