Advertisers
HINDI na gagamitin pa ng Commission on Elections (Comelec) para sa May 2025 national and local elections ang mga vote counting machines (VCMs) ng technology provider na Smartmatic.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na ngayong May 9, 2022 national and local elections na ang huling beses na gagamitin nila ang mga nasabing makina.
Ayon kay Casquejo, mga luma na rin naman ang mga naturang VCMS na matatandaang unang ginamit noong 2010 elections pa.
Sinabi ni Casquejo na hihilingin nila sa Kongreso na mabigyan ang poll body ng karagdagang pondo para sa pagbili ng mga bagong makina para sa susunod na eleksiyon sa bansa.
Una nang kinumpirma ng Comelec na nakatanggap sila ng ulat na 1,867 VCMs ang nagkaproblema sa pagdaraos ng halalan nitong Lunes.
Kabilang sa mga naturang problema ay pagka-karoon ng paper jam na may 940 kaso, pag-reject ng mga balota na nasa 606 kaso, problema sa VCM scanner na nasa 158 kaso, ayaw mag-imprentang VCM printer na nasa 87 kaso, at VCM na hindi maayos na nag-iimprenta na nasa 76 kaso naman.
Pero pagtiyak naman ng Comelec, karamihan sa mga ito ay minor glitch lamang at kaagad ding naresolba.
Inaasahan na rin naman umano nila na may mga VCMs ang posibleng magkaproblema sa eleksiyon nitong Lunes ngunit sinigurong may mga itinalaga silang technicians upang ayusin ang mga ito.
Ang mga VCMs na hindi maaayos ay kaagad din namang pinalitan ng Comelec. (Andi Garcia)