Advertisers
SA likod ng maraming aberya sa pagboto noong Mayo 9, tila nagsalita na ang mga Pilipino sa napiling bagong lider ng bansa sa loob na darating na anim na taon. Hindi pa man opisyal na nagbibilang ang Komisyon ng Halalan, batid na ng taong bayan na ang gamit ng COMELEC na canvass ay hindi iba sa Transparency Server na ginagamit ngayon sa pagpapabatid ng lagay ng bilangan. Pormalidad na lang ang hinihintay ni Mang Juan upang iproklama ang nanalong pangulo, pangalawang pangulo at maging ang mga senador ng bansa. Hindi man lumabas ang nais sa halalan, ang pagiging bigilante hangang sa matapos ang huling balotang bibilangin ang aantabayanan upang masabi na ginampanan ang inatang na responsibilidad ng saligang batas sa tulad kong karaniwang tao. Hindi nagtataas ng puting bandila ng pagsuko, subalit handa na sa kaganapan ng pagpapasya ng nakararami. Walang pagtututol sa pasya ni Mang Juan, subalit ang malinaw na kaganapan sa araw ng halalan ang inaasahan. Subalit malayo ito sa kaganapan na tatlo o apat na oras sa pagpila at ng isumite ang balota, sira ang Vote Counting Machine at kailangang mag waiver kung ayaw mo nang tumagal sa presinto. Bahala na ang mga election officers na magpasok ng iyong balota sa VCM na inantala dahil kailangang ayusin, ito ang bilyong halaga ng paghahanda sa halalang naganap?
Inaasahan na ang pagpapasya ni Mang Juan ang tunay na sasalamin sa kaganapan, ngunit hindi mawala sa isip ang mga nag-off line o hindi gumagananang mga VCM hindi lang sa iisang lugar ng bansa ngunit marami ito sa iba’t ibang dako ng bansa. At kung nagkaroon ng delay ng pagsasara ng mga presinto bakit kasing tulin ng jet ang resulta ng bilangan na umayon o lumagpas pa sa resulta ng mga survey na ginawa bago pa ang halalan. Walang magawa ang tulad ni Mang Juan kundi umasa sa opisyal na bilangan at baka lumiit o magbago ang takbo ng bilangan at manalo ang pambato. At kung maganap ito, ang tangapin ang resulta’y ang tamang pasya. Asahang hindi mananatiling pikit mata at tikom ang bibig sa nagaganap na hokus pikos ang mga nagmamahal sa demokrasya. Pag-iibayuhin ang pagbabantay sa mga nasilip o nakikitang diperensya sa mga pumasok na mga datos ng bilangan.
Susubukang himayin ang mga pumasok na mga nabilang na election return sa kada oras na inilalabas ng transparency server ng COMELEC. Kaduda – duda ang pagkaka pareho ng mga datos na inilalabas ng transparency server. Halos magkakapareho ang percentage ng laki ng pumapasok sa dalawang unang kandidato. Sixty eight (68%) ang dami ng pumapasok na bilang kay Boy Pektus gamit ang ‘di mawaring formula kung paano lumabas ang rationg nabangit. Habang ang kay Leni’y 32%. Maraming pagkakataon sa bawat oras na magpasok ang COMELEC o ang transparency server ng pare – pareho datos ang lumalabas. At kung susuriin ang mga datos na pagbabasihan ng estatistika tila imposibleng nagkakapareho ang estatistikang pinapasok na ng komisyon. Hindi nagbabago ang ratio ng nabibilang na boto o may mahika ang paghahanda ng komisyon. Habang ang kaganapan sa ibaba o sa presinto’y masasabing lakad pagong sa dami ng aberya ng VCM. Paano naging kasing bilis ng kidlat ang pagbibilang kung hindi gumagana ang makina. May pagkakataon na kailangang palitang ang makina na lalong nagpapatagal sa bilangan sa presinto. Paano na transmit ang mga resulta gayung hindi pa naipapasok ang mga balota sa hindi gumagana o dumadating na VCM. Mukhang handang handa ang COMELEC sa paggamit ng VCM o Votes Counted for Marcos, hehehe. Sa totoo lang, may mga lugar na nagkagulo dahil sa ilang ‘di maipaliwanag na dahilan. May mga presinto na madaling araw na’y ‘di pa dumadating ang VCM. Na tunay na dahilan upang mag overnight ang maraming manghahalal. Salamat COMELEC.
Sa totoo pa rin, tila na programa ang mga makina na hindi kailangang dumami ang boto ng abalang pangulo sa katatapos na halalan kumpara sa datos noong 2016 na halalan. Hindi kailangang lumagpas sa 14M ang boto nito tulad noong nakaraan. Ito ba ang pinaghandaan ng komisyon na hindi dumami ang boto ni Leni sa nakaraang halalan. Samantala ang kay Boy Pektus, kailangang humigit sa 100% ang dami at pwedeng tumaas pa ito ayon sa kanaisan ng kung sino. Sa pag-aanalisa hindi ma-reconcile ang mga nilabas na datos, kaya hindi matangap ang ratio o estatistikang inilabas ng komisyon. At mapait ito sa panlasa ni Mang Juan. Walang tanong kung ito ang nais ng mga manghahalal, ngunit kung hindi ito sasalamin sa tama, ang pagtatanong ang dapat sa sitwasyon.
Nagsalita na ang bayan ngunit ang garalgal na pagpapaliwanag o sinasabi’y hindi maiintindihan dahil ba sa paghahanda kaya’t mabilis ang paglalabas ng transparency server na tinatauhan ng komisyon. Dahil hindi nagtutugma ang galaw sa ibaba, ang bilis ng bilangan at ang pare – parehong estatistikang lumalabas na may mahikang nagaganap. O pinatataas ang presyo ng mga survey firms dahil tumpak umano ang resulta ng ginawang pagtatanong sa resulta ng halalan. Batid ni Mang Juan na hindi na maglalayo ang resulta ng actual na bilangan sa inilalabas ng transparency server, at ang larawan na ipinakita ng mga survey na ginawa. Sa kaayusang ito, hindi magdududa si Mang Juan sa magiging pinal na resulta ng halalan. Subalit sa masusing pagtanaw ng mga maka Leni, nasilip nito ang magkakaparehong estatiska o ratio ng kalamangan ni Boy Pektus o maging ni Inday Sapak. Paano na ang bayan?
Sakaling ‘di matinag ang Komisyon ng Halalan sa mga kaganapan sa baba at hindi na balak sagutin ang mga katanungan ni Mang Juan sa magiging resulta ng halalan, umasa na hindi titigil ang gising at mulat na kababayan na patuloy na magiging bigilante sa lahat ng gagawin ng halal ng COMELEC na pangulo. Hindi pababayaan na magsulong ito ng mga polisiya na walang pakinabang sa mga tao sa laylayan at higit kung ito’y sagka sa panuntunan. Malinaw na padadaanin ito sa butas ng karayom lalo’t batid ng bayan na ang pagkapanalo nito’y galing sa mahusay na paghahanda ng komisyon. Hindi magdadalawang isip ang bayan na dalhin ang protesta sa kakalsadahan dahil hindi galing ang basbas sa mga ito. Ang pagtupad sa pangakong mga binitawan ni Boy Pektus sa panahon ng kampanya ang panghahawakan para sa tahimik na lipunan. Huwag pagharian ang bayan sa hinaharap, sa halip gawin itong katuwang sa lahat ng pagkakataon.
May kahirapan ang nais ni Mang Juan lalo’t hindi malinaw ang panalong natikman. Hindi mula sa bayan ang basbas ngunit sa magandang paghahanda ng komisyon sa panalong kinahaharap ngunit ‘di mawala ang duda ni Mang Juan sa kinalabasan ng halalan. Higit na mag-ingat sa bawat hakbang dahil minamataan ng bayan ang bawat kaganapan mula ng maglabas ang komisyon ng mga dispalinhadong estatistika. Hindi titigil ang bayan hangang walang kredibilidad ang mga paliwanag na ilalabas. Ang pagtangap sa resulta ng halalan ay pansamantala lamang at hindi mapapanghawakan sa darating na araw. Kawawang bayan, dahil sa maraming kadahilanan mula personal hangang sa pangkabuhayan, narito na naman tayo sa sitwasyon pagkatapos ng halalan noong 1986. Paano na?
Maraming Salamat po!!!