Advertisers
IPOPROKLAMA ngayong araw (Miyerkules, May 18) ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 nanalong senador ngunit hindi pa matukoy ang kanilang final ranking habang nakabinbin ang resulta ng espesyal na halalan sa Lanao del Sur sa Mayo 24.
Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco sa halip ang mga senador ay ipoproklama batay sa bilang ng mga boto.
“There will be no standing or ranking in the meantime since we will wait for the completion of Lanao del Sur [special polls],” sabi ni Laudiangco sa press briefing.
Aniya ang Comelec ay gumawa na ng desisyon na ang natitirang boto na hindi pa naisusumite o na-transmit ay hindi na makakaapekto sa magic 12.
“Iyon pong Lanao del Sur, hindi na po natin mahihintay, mahirap hintayin, dahil 24 po ang Tubaran, ang special election. So, the most na makapagpadala po sila ng COC (Certificates of Canvass), baka po [May] 24. And therefore, kung saka-sakali baka po 24, 25, 26 tayo makapagproklama, kung hihintayinpo natin,” sabi ni Comelec Commissio-ner George Garcia sa “Laging Handa” public briefing.
Magpapatuloy aniya ang canvassing kahit matapos ang proklamasyon ng 12 senador para matiyak na accounted ang lahat ng boto.
Ipinapakita sa partial at unofficial tally noong Lunes na ang top 12 senatorial candidates ay sina Robin Padilla, Loren Legarda, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Francis Escudero, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Miguel Zubiri, Joel Villanueva, JV Ejercito, Risa Hontiveros, at Jinggoy Estrada.
Ang National Board of Canvassers ay hindi pa naglalabas ng opisyal na tally hanggang sa ngayon.
Ang mga nanalong senador ay pinapayagang magdala ng limang kasama sa Philippine International Convention Center Forum Tent sa Pasay City.
Ang mga kinatawan ng partial winning party-lists o tiyak na may isang puwesto ay iaanunsyo sa Mayo 19.
Hindi ipoproklama ang mga nominado ng party-list na may nakabinbing disqualification cases ngunit maaaring iproklama ang party-list, ayon kay Garcia. (Jocelyn Domenden)