Advertisers
INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para sa lifetime validity ng birth, death at marriage certificates.
Sa botong 21-0-0, inaprubahan ng mga Senador ang Senate Bill 2450 o ang Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act.
Iniisyu ang mga nabanggit na sertipiko ng Philippine Statistics Authority (PSA) gayundin ng Local Registry Office at Philippine Foreign Service Post.
Sa ilalim ng batas, dapat kilalanin at tanggapin sa lahat ng transaksyon sa gobyerno at pribado ang mga naturang dokumento bilang patunay ng pagkakakilanlan at legal na katayuan ng isang tao.
Gayunman, dapat na nananatiling buo, nababasa, at nakikita pa rin ang authencity at security features ng mga nasabing dokumento.
Habang maaari lamang gamitin ang permanent validity ng Certificates of Marriage hangga’t hindi pa napapawalang-bisa ang kasal gaya ng itinatadhana sa ilalim ng Family Code of the Philippines.
Kasama rin sa panukala ang isang probisyon na nagbabawal sa lahat ng opisina ng gobyerno, pribadong kumpanya, paaralan at non-government entity na obligahin ng mga bagong birth, death o marriage certificates mula sa mga nakikipagtransaksyon sa kanila.
Kapag naisabatas na ang batas, papatawan ng isa hanggang anim na buwang pagkakulong o multang hindi bababa sa P5,000 ngunit hindi hihigit sa P10,000, sa sinumang lalabag dito.
Samantala, kinakailangan na lamang, buuin ang bicameral panel para mapagkasunduan ang bersyon ng panukala ng Senado sa bersyon ng katulad na panukala na lumusot naman sa Mababang Kapulungan.
Ayon kay Senador Bong Revilla Jr., chairman ng Senate Committee on Civil Service at sponsor ng panukala, makatitipid na sa panahon at gastusin ang mga Filipino.
Pinasalamatan din niya ang mga kapwa senador na sumuporta sa panukala. (Mylene Alfonso)