Advertisers
NANGANGANIB na matanggal sa serbisyo at makulong ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nahulihan ng mala-king halaga ng shabu sa drug buy bust operation nitong Linggo sa Iloilo.
Kinilala ang nadakip na si Police Staff Sergeant Igmedio Cristobal Jr., 40 anyos, nakatalaga sa Regional Personnel Holding Administration Unit (RPHAU 6), tubong La Paz at naninirahan sa Barangay Calaparan, Arevalo.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Mark Anthony Darroca, hepe ng Regional Police Drug Enforcement Unit-6, Linggo ng umaga nadakip si Cristobal sa Aries St.,VML Subdivision North Fundidor sa Molo.
Sa pinagsamang operasyon ng RPDEU 6 at Molo Station Drug Unit, nakabili sila ng 2 pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P5,000.00 kay Cristobal. Nakuha pa rito ang 17 pakete ng shabu na may bigat na 55 gramo na nasa P374, 000 ang halaga.
Maliban sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 posibleng madagdagan pa ang kasong kakaharapin ni Cristobal.