Advertisers

Advertisers

Koreanong manggagantso nahuli sa Cavite – BI

0 222

Advertisers

Nakatakdang i-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa electronic financial fraud.

Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang takas na si Je Hyun Woo, 52 anyos, na naaresto sa Gen. Trias, Cavite noong Miyerkules ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng bureau.

Ayon kay Morente, mapababalik si Je sa South Korea alinsunod ang utos para sa kanyang summary deportasyon na inisyu laban sa kanya ng BI board of commissioners noong 2019.



“Kasali na rin siya sa immigration blacklist, at hindi na siya papayagang muling makapasok sa ating bansa dahil siya ay isang hindi kanais-nais na dayuhan,” dagdag ni Morente.

Dagdag din ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na overstaying na rin si Je dahil nakarating siya sa bansa noong taong 2018 pa.



“Nakansela na ng pamahalaan ng South Korea ang kanyang pasaporte kaya siya ay isang hindi dokumentadong dayuhan,” ayon kay Sy.

Lumalabas na may warrant of arrest pang nakahain laban kay Je ayon sa impormasyong nakalap ng Interpol’s national bureau sa Maynila. Ang warrant na ito ay inisyu ng central district court ng Seoul noong Nobyembre 1, 2018 kung saan siya ay kinasuhan dahil sa paglabag ng electronic financial transactions act ng kanyang bansa.



Miyembro umano si Je sa isang sindikato na kumukumbinsi ng mga biktima na magbukas ng mga bank accounts at debit cards sa ilalim ng mga paper companies. Pagkatapos nito ay ibibigay ang mga account sa ibang tao na gumagawa rin ng mga krimen tulad nito.

Mahigit 1,070 na kaso gamit ang ganitong panloloko ang naireporta sa mga pulisya ayon sa awtoridad ng Korea.

Kasalukuyang nasa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Je habang hinihintay ang kanyang deportasyon. (JERRY S. TAN)