Advertisers
MABUTI naman at napansin ni Senate President Tito Sotto ang madalas na pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Pinagdidiinan na naman kasi ngayon ng balitang magiging speaker ng bagong Kongreso na si Congressman Martin Romualez, ang pinsan ni President-elect Bongbong Marcos Jr., na ipagpaliban uli ang nakatakdang halalan ng Barangay at SK sa Disyembre 5 ng taon (2022).
Ang pilipit na rason ni Romualdez ay para raw makatipid ng higit P8 billion na pondo sa eleksyon ang gobierno. Sa halip, gamitin nalang daw ang halagang ito sa paglaban sa pandemya ng Covid-19.
Say ni Sotto, kapag ipinagpaliban uli ang nakatakdang halalan, lalabas na mas mahaba pa sa termino ng presidente ang ipapanatili ng barangay at SK officials.
Una nang na-postpone ang Bgy at Sk Elections noong 2016 (pag-upo ni Rodrigo Duterte bilang Pangulo) na ginawang 2018, tapos ang 2020 ay ginawang 2022 na planong ipagpaliban hanggang 2023.
Nagsimula ang ganitong pagpo-postpone sa barangay at SK elections panahon ni President Gloria M. Arroyo, kungsaan nanungkulan ng limang taon ang mga nahalal (2002 – 2007). Ang tanging rason noon ni GMA ay para makatipid ng pondo.
Kung pagtipid lang naman sa pondo ang tanging dahilan ng bawat administrasyon para ipagpaliban ang nakatakdang eleksyon na nakasaad sa ating Konstitusyon, isabay nalang ang barangay sa local/national elections at burahin na ang SK.
Tama! Malaking tipid kung isabay nalang ang barangay sa eleksyon ng mayor kada tatlong taon.
Lusawin narin ang Sangguniang Kabataan. Dagdag gastos lang ito. Wala naman talaga naitutulong sa barangay. Puros paliga at party-party lang ginagawa ng mga ito eh.
Yes! Tutal maari narin namang kumandidato sa barangay ang kabataang edad 18(?) pataas. Na kapag nanalo ay maari nilang hawakan ang komite para sa kabataan.
Maisip sana ito ng bagong kongreso at maamyendahan uli ang batas sa halalan.
***
Aprub na sa third at final reading ng Senado ang panukalang batas para dagdagan ang monthly senior pension, gawing P1,000 mula sa P500.
Ang maganda pa rito, ang National Commission of Senior Citizens (NCSC) na ang magdi-distribute ng pension, hindi ang Department of Social Welfare and Development.
Since aprub na ito sa Senado, si President-elect Bongbong Marcos na ang magdedesisyon rito kung isasabatas niya o ibabasura.
Surely, pipirmahan ito ni BBM or else isusumpa siya nina lolo’t lola. Hehehe…
***
Malapit nang makumpleto ang economic managers ng bagong administrasyong Marcos Jr.
Ito’y sina: Atty Vic Rodriguez at Executive Secretary, Vice Pres.-elect Sara Duterte-Carpio (DepED), Boying Remulla (DoJ), Benny Laguesma (DoLE), Toots Oples (DMW), Benhur Abalos (DILG), Aresnio Balisacan (NEDA), Benjamin Diokno (DoF), Felipe Medalla (BSP), Alfredo Pascual (DTI), Manuel Bonoan (DPWH), Anton Lagdameo (SAP), Trixie Angeles (PCOO), Erwin Tulfo (DSWD), Amenah Pangandaman (DBM), Ivan John Uy (DICT), Zenaida Angping (PMS), Esperanza Christina Frasco (DoT).