Advertisers
MALAMANG na maabsuelto at mabaon nalang sa limot ang multi-billion peso Pharmally scandal na nangyari sa outgoing Duterte administration.
Ito’y dahil ayaw pumirma ang mga Senador sa committee report ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni outgoing Senator Richard Gordon. Sa kung anong rason? Well… kung ano naiisip nyo, ‘yun narin ang nasa isip ko.
Ang tangi nalang nasabi ng isa pang outgoing Senator Franklin Drilon, ayaw man pumirma ng kanilang mga kasamahan sa committee report at kung hindi narin matutuloy ang paglitis sa mga sangkot sa Pharmally scandal, ito’y hindi parin masasabing kabiguan nila dahil naisapubliko nila ang “mother of all scandals” under Duterte administration.
Magugunita na ang iskandalong ito ay nangyari nang mangutang ng trilyones ang gobyerno para panlaban kuno sa pandemya ng Covid-19.
Ang P42 billion na ipinagkatiwala sa Department of Health (DoH) na pinamumunuan ni Dr. Francisco Duque para pambili ng personal protective equipments (PPEs) laban sa Covid-19 ay ipinasa naman sa Procurement System ng Department of Budget and Management (PS DBM), kay noo’y Usec. Lloyd Christopher Lao.
Mula kay Lao, nakatransaksyon niya ang Pharmally sa tulong daw ng noo’y presidential adviser on economic affairs ni President Rody Duterte na si Michael Yang, isang Chinese national.
Ang Pharmally, base sa rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC), ay may puhunan lamang na higit kalahating milyong piso at mag-isang taon palang sa business nang makakuha ng P12 billion deal sa PS DBM.
Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, sobrang mahal o grabeng overpriced ang ginawa ng Pharmally sa isinuplay nitong PPEs. Tapos napakabilis ng delivery. Pag-order, deliver agad kahit wala pang mga dokumento sa kabila na bilyones ang halaga.
Sabi ng Senado, saan kinuha ng Pharmally ang P12 billion halaga ng PPEs gayong higit P500K lang ang kapital nito. Lumabas na pera rin pala ng PS-DBM ang ginamit ng Pharmally sa pagbili ng PPEs sa ibang bansa. “Ginisa tayo sa sarilig mantika”, sabi ni Sen. Gordon.
Nagtanka pang tumakas, lumabas ng Pilipinas, ang mga opisyal ng Pharmally nang iniimbestigahan ng Senado. Nahuli lang ang mga ito sa Davao Airport matapos magtago ng ilang linggo.
Nakulong ng ilang buwan sa Pasay City Jail ang mga opisyal ng Pharmally matapos i-contempt ng Senado dahil sa mga pagsisinungaling at pagtatakipan. Pero ilang araw pagkatapos nitong Presidential election (Mayo 9, 2022) ay pinalaya na ang mga ito.
At ngayon ngang tapos na ang committee report ng Senado dito sa Pharmally scandal, ayaw namang pumirma ng karamihan sa mga Senador. Sa kung anong rason, malamang may milyones silang dahilan.
Lalo pang lumabo na mapanagot ang mga nasa likod ng multi-billion scandal na ito nang ianunsyo ni President-elect Bongbong Marcos na ayaw niyang kalkalim o pakialaman ang mga katiwalian sa nakaraang administrasyon. Move on nalang daw. Ganun lang?
Ibig sabihin nito, repapips, absuelto kay BBM ang mga nangulimbat sa mga nakaraang administrasyon.
Sabi ni BBM, ang pokus niya ay sa kanyang administrasyon. Wala aniyang puwang ang korapsyon sa kanyang liderato. Period!