Advertisers
BALEWALA SI PNP OIC-CHIEF DANAO JR! BAGAMA’T isa pa lamang Officer-In Charge ng Pambansang Kapulisan si P/LtGen. Vicente D. Danao Jr., ay seryoso itong ipagpatuloy ang sinimulan at di nakayanang tapusin ni outgoing President Rodrigo R. Duterte na kampanya kontra-droga.
Kaya naman tungkulin ng lahat na field commanders ni PNP OIC-Dir. Gen. Danao Jr., na makipagtulungan para isadlak sa kulungan at kung kailangan pa ay lipulin ang mga personalidad na sangkot sa kalakalan ng droga.
Pakatandaan lamang sana ni OIC Danao Jr, na anumang oras ay maari siyang sibakin sa puwesto at humirang ng higit nitong mapagkakatiwalaang Chief PNP si President Elect, Ferdinand “Bongbong” Marcos?
In fairness naman kay OIC Danao Jr., ayon sa ating police insider, mula sa kanyang tanggapan sa PNP Headquarters, Camp Crame hanggang sa regional level at sa pinakamababang unit ng kapulisan ay mahigpit ang direkriba ng heneral na pag-ibayuhin ang police operation vs illegal drug at walang dapat santuhin ang kanyang kapulisan sino man ang kanilang masagasaan.
Ngunit ang atas ng heneral na all-out war against drugs ay tila dumaan lang sa kanan teynga at lagpas naman sa kaliwa nito ng hepe ng kapulisan sa bayan ng Rosario, Batangas?
Bakit? Aba e hanggang ngayon pala ay hindi pa rin naaaksyunan ni Rosario town OIC Police Chief, P/LtCol. Karlos Lanuza ang matagal nang iniuulat na drug den sa bayan ng Rosario na matatagpuan sa mga barangay ng Quilib at San Carlos.
Hindi na nga naipaaaresto ni LtCol. Lanuza ang mga naglipanang shabu pusher sa mga nailatag doon na kunyari ay mini-carnival ay hanggang sa ngayon pala hindi pa nito naipagigiba ang mga kubol na iniuulat na ginagawang drug den ng mga adik sa shabu.
Sa dakong gabi kung kailan ay nasa kasagsagan ang operasyon ng bawal na sugal na color games, beto-beto, drop balls, cara y cruz at maging sakla at didal ay saka naman itinataon ang pot session sa kubol na sadyang inilaan ng operator ng naturang pergalan para sa mga drug addict.
Ang siste pa ay may nakikitang nagtatambay doon ang mobile car ng Rosario Police Office sa bandang gabi kaya malaki ang duda ng ilang residente doon na may kababalaghang nagaganap sa pagitan ng operator ng shabuhan /sugalan at ng ilang tauhan ni LtCol. Lanuza.
Noon pa mang una nating natanggap ang ilang text message hinggil sa reklamo tungkol sa operasyon ng sugalan/shabuhan sa nasabing bayan ay nanawagan na ang SIKRETA sa tanggapan ni Mayor elect Leovy “Kuya” Morfe, para ipasara at ipaaresto sa mga operatiba ni LtCol. Lanuza ang mga personalidad na sangkot sa operasyon ng naturang drug/gambling den.
Ngunit sang-ayon sa katatanggap lamang nating ulat ay nasa bakasyon daw kuno si Mayor kaya wala pa itong aksyon laban sa naturang mga kailigalan sa kanyang huridiksyon.
Makaraan na makumpirmang panalo na siya sa halalan ay kumaripas na raw si Kuya Leovy para marahil namnamin ang tagumpay ng ilang buwan din nitong pinaghirapan para manalo sa isang mahigpitang election sa kanyang bayan.
Ngunit may ilang mapapanaligang informant ang nag-ulat sa inyong lingkod na tumalilis si mayor o Kuya Leovy matapos na mapaslang ang isa nitong political leader sa Brgy. Quilib kung saan naroroon ang isa sa pinakamalaking drug at gambling den na inerereklamo ng mga mamamayan ng nasabing bayan. How true is it mayor?
Nasasasayang talaga ang buhay at kinabukasan ng maraming kabataan sa bayan ng Rosario dahil sa pagkalulong sa droga at sugal na ang mitsa ay ang pagpapabaya ng mga awtoridad sa naturang bayan?
Kung tayo ang nasa katayuan ni Batangas PNP Provincial Director, P/Col. Glicerio Cansilao ay makabubuting sibakin na nito si LtCol. Lanuza.
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.