Advertisers
Ipinatawag ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang isang traffic enforcer na nagpaareglo sa motorista na lumabag sa batas trapiko sa Maynila.
Sa ulat, nakunan ang insidente ng CCTV noong Hunyo 18 kung saan hinabol ng traffic enforcer ang isang sasakyan at hinarang ang kanyang motorsiklo.
Gayunman, sa halip na huminto nagpatuloy ang motorista na patakbuhin ang kanyang sasakyan at binangga ang traffic enforcer hanggang makorner ito sa Quirino Avenue at San Marcelino St.
Sa halip na tiketan, nagpaareglo ang traffic enforcer at tinanggap ang P4,000 na ibinigay ng motorista.
Sa galit ni MTPB Director Dennis Viaje, ipinatawag ang enforcer at sinermunan.
“Lagi ninyong ilalagay sa isip ninyo pera lang yan. Masipag ka lang, kikita ka pero ‘yung pagkatao huwag mong ipagbibili,” sabi ni Viaje
Katwiran naman ng traffic enforcer, naawa ito sa driver nang makitang matanda na ang nagmamaneho kaya pumayag na itong magpaareglo.
Humingi naman ng paumanhin ang enforcer at aminado itong may pagkakamali. (Jocelyn Domenden)