Advertisers
SINABI ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules na ibababa nang muli sa low risk classification ang limang lugar sa National Capital Region (NCR) na unang idineklarang nasa moderate risk na sa COVID-19.
Ito’y dahil na rin sa rebisyon na isinagawa sa sukatan o metrics sa pagtukoy ng risk case classification ng isang lugar.
Sa Laging Handa briefing, ipinaliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na binago o nagsagawa ng modipikasyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa sukatang ginagamit nito sa Alert Level System at inalis ang two-week growth rate sa pagtukoy sa case-risk classification.
Dahil dito, ang mga lugar aniya ng Pasig, San Juan, Quezon City, Marikina at Pateros ay ibababa nang muli sa low risk, kahit nakapagtala sila ng mahigit sa 200% growth rate hanggang noong Sabado.
Ayon sa DOH, ang isang lugar ay ikaklasipika na lamang bilang moderate risk base sa kanilang hospital utilization na lampas sa 50%, at average daily attack rate na 6 average cases per day per 100,000 population.
Sa kabilang dako, ang isang lugar naman ay isasailalim sa low risk kung mayroon itong hospital utilization na mas mababa sa 50% at ADAR na less than 1 per 100,000 population.
Una nang idineklara ng pamahalaan na ang NCR ay mananatili sa ilalim ng Alert Level 1 mula Hulyo 1 hanggang 15, sa kabila nang tumataas na bagong COVID-19 infections sa rehiyon, na karamihan naman ay mild cases o asymptomatic lamang. (Andi Garcia)