Advertisers
Hindi yata maiwasan ni Manny Pacquiao ang tawag ng ring. Nakatakda siyang mag-appear sa isang exhibition match kontra sa Koreanong YouTuber na si DK Woo. Magpipirmahan ng kasunduan sa ika-20 ng Hulyo sa BGC at doon ihahayag ang mga detalye ng laban. Kung kailan at saan gaganapin, pati magkano ang bayaran.
Ito kauna-unahang pakikibakbakan ng pambansang kamao matapos matalo kay Yurdenis Ugas noong Agosto 2021 at maolat rin sa halalan nitong Mayo.
Si Woo ay pamoso sa South Korea at may higit na 600,000 na following. Dati nanalo sa kanya ang UFC veteran na si Bradley Scott.
Posibleng prelude ito ng pagtutuos muli ng asawa ni Jinkee at ni Floyd Mayweather Jr na tiyak malaking promotion. Yan ang aabangan ng boxing world.
Ano kaya ang nag-udyok kay MP na muling lumaban? Palagay ni Pepeng Kirat ay bukod sa pera ay nais niyang manatili ang popularidad. Mangyari ay may plano raw tumakbong senador muli ang anak ni Aling Dionesia sa eleksyon 2025. Bata pa nga naman sa edad na 43 anos. Maaari pa sa ibabaw ng parisukat. Pwede pa rin sa Senado.
***
Hindi naging batas ang bill ni Pacquiao na magkaroon ng Professional Boxing Commission. Ito ay bukod sa Games and Amusements Board. Mangyari raw ay mas matututukan ng mungkahing ahensya ang partikular na sports. Iwas raw sa anomalya at mga disgrasya sa mga boxer. Kaso kulang ang ginawang push ni Manny sa kanyang mga kasamahan kaya walang batas na nabuo.
Oo tama pero dagdag na gastos yan sa pamhalaan na baon na sa utang ng P13T. Kaya pa naman ang trabahong ito ng GAB at uubra naman mag-additional na tao kaysa isa pang bagong opisina na mangangailangan ng mas malaking pondo.
***
Maganda ang tv commercial ni Hidilyn Diaz para sa United Laboratories Inc. Nabigyan ng epektibong exposure ang slogan nilang “Alagang Unilab”. Naipakita pa nila ang iba’t ibang brand ng kumpanya sa iisang tvc at ang importansya nito sa buhay ng isang kampeon na atletang Pinoy. Siyempre bagay ang 30 seconder sa kauna-unahan nating gold medalist sa Olympics. Swak na swak eka nga ni Aling Barang.