Advertisers
TAMA ang mga ginagawa ngayon ng administrasyong Marcos na pagbuwag sa mga tanggapan ng gobyerno na duplication lang ng trabaho o mandato ng ibang ahensiya ng pamahalaan.
Napakarami na kasing binuong ahensiya, departamento at units ng mga nakaraang adninistrasyon para lamang maipuwesto ang kanilang mga kaalyado o tumulong sa kanila sa politika.
Tulad halimbawa ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na binuo ng nakaraang Duterte administration para raw supilin ang mga gumagawa ng katiwalian sa gobyerno. Pero wala itong napakulong na mga magnanakaw. Naging pabigat lang sa pondo ng pamahalaan. Samantalang nandiyan na ang Department of Justice at Office of the Ombudsman na ang mandato ay mag-imbestiga at mag-prosecute.
Ang Office of the Cabinet Secretary (CABSEC) na binuo rin ng Duterte admin. Wala ring function ito, dagdag gastos lang. Dahil lahat ng cabinet secretaries ay mayroong sariling opisina.
Itong NTF-ELCAC, na binuo rin ng Duterte admin para durugin ang mga komunistang rebelde na NPA.
Mahigit P10 billion ang ipinondo rito para raw sa mga programa o proyekto sa rebel-infested areas.
Samantalang nandiyan na ang ating AFP at PNP para durugin ang ilang daan nalang yatang NPA warriors. Nandiyan din ang DSWD at NHA para tugunan ang kailangang developments sa mga lugar kungsaan namumugad ang mga rebelde. At nandiyan din ang mga kongresista na may multi-million pork barrel para sa pagpagawa ng mga kalsada, tulay at paaralan sa kanilang distrito.
So, para ano’t may NTF ELCAC pa? Duplication lang nito ang trabaho ng AFP, PNP, DSWD, NHA at ng mga kinatawan ng probinsya. Right?
Ang isa pang dapat lusawin ng Marcos admin ay itong Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na pinanday ni dating Presidente Gloria M. Arroyo, na binuo para kuno habulin ang mga sindikato. Samantalang nandiyan na ang National Bureau of Investigation ng DoJ, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Marami pang komisyon na binuo ng mga nakaraang admin na pabigat lang sa pondo ng bansa ang dapat buwagin dahil mga duplication lang ng ibang ahensiya ang trabaho ng mga ito. Mismo!
Mr. President BBM, Sir! Ang 31 milyong Pinoy na naghalal sa inyo ay umaasang malilinis ninyo sa pandemya ng korapsyon sa gobyerno at gumanda na ang kabuhayan ng maraming hikahos nating kababayan. Just do it!!!
***
Panawagan sa MMDA at sa Manila City govt: Since ipinatutupad ang ‘no contact policy’ laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko sa lungsod, baka naman puwede ninyong lagyan ng “waiting number” ang traffic lights sa bawat intersection para matantiya ng mga motorista kung aabante sila sa pagtawid kapag mabagal ang usad ng mga sasakyan sa intersection na may mga naka-instal na camera. Dahil kadalasan ay inaabot ng pula (stop) ang motorista sa gitna ng intersection at nakukunan sila ng CCTV, tapos pagmumultahin ng P3K. Animal!!!