Advertisers
NAGBANTA si Senador Risa Hontiveros laban sa mga bagong Facebook group na layuning makapambiktima ng mga bata.
Ayon kay Hontiveros, natuklasan sa mga naturang public group sa Facebook ang mga naka-post na larawan at video ng ilang bata.
Doon din inaanunsyo ng ilang abusers na nagbebenta sila ng mga larawan at video sa iba pang messaging apps tulad ng Telegram.
Aniya, malaking banta ito sa seguridad ng mga batang gumagamit ng internet at hindi rin sapat ang pagbura lang sa mga page o channel dahil maaaring makagawa parin sila ng mga bagong account.
Giit ni Hontiveros, dapat mas paigtingin ang pagsugpo sa mga gawaing nakakapahamak sa mga bata gaya ng pagpasa sa ‘anti-online sexual abuse and exploitation of children law’.
“Kailangang maipasa na ang Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) Law para tunay na mapanagot ang mga salarin at pati ang mga social media platforms at internet intermediaries na hinahayaang lumaganap ang kabastusang ito,” ani Hontiveros, ang principal author at sponsor ng batas.
Matatandaang ibinunyag ng senadora ang isang facebook page at youtube channel na nagtuturo sa subscribers nito kung paano makapambiktima ng mga bata kabilang dito ang public group na may pangalang “Atabs” at “LF Kuya and Bunso”. (Mylene Alfonso)