Advertisers
Ni ARCHEI LIAO
DRAMEDY ang naging treatment ng kontrobersyal na director na si Darryl Yap sa kanyang pinakabagong obrang “Maid in Malacanang.”
Ang kuwento ay base sa account o testimonya ng mga tapat na kasambahay ng mga Marcos tungkol sa huling 72 oras ng first family bago pa nila lisanin ang palasyo noong 1986 EDSA revolution.
Bilang dating Pangulong Ferdinand Marcos, naroon pa rin ang brilyo ng isang Cesar Montano na nakilala natin sa mga makabuluhang pelikula tulad ng Jose Rizal, Muro Ami, Bagong Buwan at Panaghoy sa Suba.
Tama lang ang timpla niya sa ginawa niyang atake sa pagsasabuhay ng karakter ni Marcos, Sr.
Madarama mo ang sinseridad niya sa kanyang pagganap lalo na sa confrontation scenes niya kina Diego Loyzaga bilang Bongbong Marcos, Cristine Reyes bilang Imee Marcos at Ella Cruz bilang Irene Marcos.
Medyo nakulangan lang ako sa interaksyon niya kay Ruffa Gutierrez na gumaganap bilang dating First Lady Imelda Marcos.
Parang naghahanap ako ng mga eksena ng kanilang mga pribadong sandali ni Marcos, Sr sa panahong nahaharap sa krisis ang administrasyon ng huli.
Refreshing naman na mapanood si Cristine bilang Imee na maingay, may kahinaan at pilit na nagpapakatatag sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap ng kanyang pamilya na taliwas sa pagkakaalam ng nakakarami na kalmado, babaeng bakla at palaban ang personalidad.
Gayunpaman, sa aspetong ito, naging mas makatotohanan at taong-tao ang pagpapakita ng kanyang karakter.
Sa kaso ni Diego Loyzaga, hindi siya nagpalamon kay Cesar at nakatulong marahil dito ang dynamics ng relasyon nila bilang mag-ama na minsan sa isang panahon ay nagkaroon din ng di-pagkakaunawaan.
Makaantig-damdamin naman ang eksena nina Cesar at Ella (na binibigyang buhay ang papel ni Irene Marcos) na isa sa mga low profile personality sa mga anak ng dating Pangulo.
Napansin din namin na medyo naging conscious si Ruffa sa pagpro-project ng kanyang karakter kaya pinili nitong mag-underact to be in tune sa mabining karakter ni Madam na bantog sa pamosong linyang ‘the true, the good and the beautiful., ‘
Sa mga gumaganap na mga kasambahay, stand out naman si Elizabeth Oropesa samantalang pambalanse naman sa komedya sina Beverly Salviejo at Karla Estrada.,
Kasama rin sa cast sina Kiko Estrada bilang Tommy Manotoc at Kyle Velino bilang Greggy Araneta.
Mula sa Viva Films, mapapanood na ang pelikula sa mgab sinehan sa buong bansa.
***
Screening ng Maid in Malacanang, may charity component
SIMPLE lang ang naging premiere night ng “Maid in Malacanang” na ginanap kamakailan.
May charity component kasi ito dahil pinili ng producer at organizers na ang gagastusin sa catering services para sa malaking pagtitipon ay i-donate na lang sa mga napinsala ng lindol sa Norte.
Ayon kay Senator Imee Marcos, mas nakikita niya ang pangangailangan na bigyan ito ng prayoridad bagay na napagkasunduan naman nila ng buong cast at crew.
“Personal kong nasaksihan na maraming nawalan ng bahay at buhay sa pagbisita ko sa Ilocandia at Abra, kaya gagawin naming simple kaysa magarbo ang Premiere Night ng Maid In Malacañang,”aniya. “Nagkasundo ang buong cast at crew na i-donate sa mga nasalanta ng lindol ang budget sa catering,”dugtong niya.
Humingi rin siya ng pang-unawa sa naging desisyon nila pagkatapos ng konsultasyon sa produksyon at mga artista.
Sana ay maunawaan ng mga manonood ang simpleng opening night ng aming pelikula. Sapat na sa amin at ng aking pamilya na maipakita ang aming panig ng kwento at kasaysayan. Mas mahalaga ngayon na matulungan ang mga kababayan natin na nasalanta ng lindol. Maraming salamat po,” aniya.
Ang “Maid In Malacañang” ay nakakuha ng “PG” classification mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at kasalukuyang palabas na sa mga sinehan.
Mula sa produksyon ng Viva Films at Vincentiments, at sa direksyon ni Direk Darryl Yap, tampok sa pelikula sina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, Ella Cruz, Karla Estrada, Elizabeth Oropesa, Beverly Salviejo at marami pang iba.