Advertisers
NAGSIMULA nang gumulong ang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee kaugnay sa kontrobersiyal na resolusyon ng Sugar Regulatory Administration para umangkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal.
Kabilang sa mga dumalo sina Executive Secretary Vic Rodriguez at mga dating opisyal ng SRA katulad nina Aurelio Gerardo J. Valderrama, Jr., Roland B. Beltran, dating DA Usec. Leocadio Sebastian, at dating SRA administrator Hermenegildo Serafica.
Hindi na natanong ng mga senador si Rodriguez matapos i-excuse ng komite para dumalo sa cabinet meeting kahapon.
Sa kanyang opening statement, muling iginiit ng kalihim na wala itong kinalaman sa SRA at iligal ang paglalabas ng sugar order no. 4 para mag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal na walang abiso mula sa Pangulo.
Samantala sa pagharap ni DA Usec. Sebastian sa senado nanindigan itong binigyan siya ng kapangyarihan para lumagda sa naturang resolusyon batay sa memorandum na inisyu ni Rodriguez noong Hulyo 15, 2022.
Aminado naman si Sebastian na hindi niya nakausap ang Pangulo bago lagdaan ang kontrobersiyal na sugar order no. 4. (Mylene Alfonso)