Advertisers
KINASUHAN at sinuspinde ang apat na engineers at isang staff member ng provincial government ng Negros Occidental sa paggamit ng sasakyan ng gobyerno habang nag-inuman.
Sa report, kinasuhan ang lima ng ‘grave abuse of authority’ at sinuspinde ng 60 days simula noong Martes (Agosto 23). Pinagbawalan din silang makapasok ng kapitolyo nang aprubahan ni Governor Bong Lacson ang rekomendasyon ng provincial legal office sa pagsasampa ng kaso.
Ayon sa ulat, pawang nagtatrabaho sa Office of the Provincial Agriculturist ang mga akusado.
Dalawang counts ng ‘grave abuse of authority’ ang ikinaso laban sa isang division chief dahil minura pa raw nito ang pinuno ng capitol cab service nang tawagan siya hinggil sa pagkaantala ng kanilang pagbalik sa opisina.
Nag-ugat ang kaso nang magreklamo mismo ang kanilang driver na mag-8:00 na ng gabi, pinag-aantay pa siya ng lima na nag-iinuman sa isang restaurant. Base sa trip ticket, 2:00 ng hapon ang miting ng lima sa Victorias City Hall noong Hulyo 25.
Ayon pa sa report, pinarusahan muna ng ‘preventive suspension’ ang mga akusado dahil gustong siguraduhin na hindi maimpluwensiyan ng mga inireklamo ang mga ebidensiya at testigo habang umuusad ang kaso.