Advertisers
IDINULOG ni 1-Rider Party-list Representative Bonifacio Bosita sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pangungumpiska ng mga local government unit (LGU) traffic enforcers sa lisensya ng mga motoristang lumabag sa batas-trapiko.
Sabi ni Bosita, batay sa Land Transportation and Traffic Code of the Philippines (RA 4136) partikular ang Section 3.4, ang mga LGU ay maaring magbigay ng traffic violation ticket, pero ang LTO at deputized agent lamang nito ang maaring mangumpiska ng lisensya.
Punto ni Bosita, malinaw sa naturang batas na hindi dapat nangungumpiska ang mga LGU ng lisensya dahil sa traffic violation.
Tugon naman ni Secretary Benhur Abalos ng Department of Interior and Local Government (DILG), valid ang punto ni Bosita. Kaya’t makikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa LTO upang makagawa ng hakbang kaugnay nito.
Babalangkas din, aniya, ang ahensya ng rekomendasyon sa Kongreso upang makabuo ng panukalang batas kung kinakailangan para masolusyunan ito. (Mula sa Radyo Pilipinas)