Advertisers
Patay ang tatlong lalaki nang pagbabarilin sa loob ng sasakyan sa bayan ng Estancia, Iloilo, Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina John Paul Bosque, Floyd Fernandes, at Mark Libao.
Sa imbestigasyon ng Estancia PNP, pumunta sa Brgy. Villa Pani-an ang mga biktima para umano magbayad ng utang si Bosque pero bigla na lang umanong pinagbabaril ang mga ito sa loob ng kanilang sasakyan.
Mabilis na dinala sa ospital ng mga rumespondeng pulis ang mga biktima, pero idineklara ang mga ito na dead on arrival ng doktor nang magtamo ng tama ng bala sa ulo at sa iba-ibang bahagi ng katawan.
Sa salaysay na ibinigay ng nakaligtas umano na si Jebron Parojinog sa mga pulis, bago mangyari ang insidente, dinaanan siya ng tatlong biktima sa kanilang bahay para kunin ang hiniram na pera ni Bosque na umabot sa P7.5 million.
Pambayad umano ni Bosque sa kanyang utang na P1.5 million at ang natira gagamitin sana sa negosyo nito.
Pero pagdating sa lugar, bigla na lang pinagbabaril ang mga ito ng dalawang lalaki na nakaabang sa gilid ng kalsada at nakatakbo umano si Parojinog dahilan para makaligtas.
Hindi na narekober sa lugar ang sinasabi ni Parojinog na pera na umabot sa P7.5 million na pinaniniwalaang tinangay ng mga salarin.
Nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang limang basyo ng bala ng .45 caliber pistol, dalawang deformed slug, isang 9mm caliber pistol at 14 na bala ng 9mm caliber pistol.
Pansamantalang nasa kustodiya ng Estancia PNP si Parojinog para sa ginagawang imbestigasyon sa nangyaring insidente.
Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Estancia PNP sa motibo sa pamamaril at pagtukoy sa mga salarin.