Advertisers
NAGLABAS ng arrest warrant ang Taguig court laban kay Vhong Navarro dahil sa non-bailable case of rape na inihain ng dating modelong si Deniece Cornejo — ang pangalawang warrant na hinarap ng aktor-host nitong Lunes.
Ang warrant of arrest para sa reklamong panggagahasa ay inilabas ni Taguig Regional Trial Court Branch 69 Presiding Judge Loralie Cruz Datahan.
Nakasaad sa one-page order na “ang piyansa para sa pagpapalaya ng akusado ay ‘NOT BAILABLE for RAPE under Article 266-A of the RPC (Revised Penal Code) as amended by RA 8353’.”
Una rito, sumuko si Navarro nito rin Lunes sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos maglabas ng warrant of arrest para sa magkahiwalay na kasong acts of lasciviousness na inihain din ni Cornejo.
Para sa reklamong iyon, inirekomenda ng Branch 116 ng Taguig Metropolitan Trial Court ang piyansang P36,000.
Una nang sinabi ni Cornejo na ginahasa siya ni Navarro sa kanyang condominium unit noong Enero 22, 2014 ngunit kalaunan ay sinabing ginahasa rin siya noong Enero 17 ng parehong taon.
Ang pagsasampa ng parehong rape at acts of lasciviousness charges laban kay Navarro ay dumating matapos ang desisyon ng Court of Appeals na pabor kay Cornejo, na binaliktad ang pagbasura ng DOJ sa lahat ng mga reklamong inihain niya laban kay Navarro dahil sa hindi magka-tugmang mga pahayag.
Sa panayam ng ABS-CBN News nang sumuko si Navarro sa NBI nitong Lunes, nagpahayag ng pagkadismaya si Navarro sa muling paglabas ng mga kaso laban sa kanya na na-dismiss na.
“Iyon ang nakakalungkot, kasi for how many years, akala namin, tapos na, patapos na. Kaya nagulat kami, na after ilang years, ito ulit, nabuhay, at parang ako pa ang nababaliktad. Ako ang biktima. Ang hirap paniwalaan,” pahayag ng aktor.
“Ako, mula noong 2014, inilahad ko ‘yung lahat ng nangyari. Wala akong tinago, sinabi ko lahat. Alam ng Panginoon ‘yun, na nagsasabi ako ng totoo. Kaya, ngayon, ang bigat ng loob ko. Bakit ganito?”
Ang kaso ni Navarro laban sa negosyanteng si Cedric Lee, Cornejo at kanilang mga kasama para sa serious illegal detention ay iniuusig din sa korte habang sina Lee at Cornejo ay hinatulan ng grave coercion sa pananakit kay Navarro.