Advertisers

Advertisers

PBBM SINALUBONG NG PINOY COMMUNITY SA US

0 266

Advertisers

MAINIT na sinalubong ng Filipino community sa New Jersey Performing Arts Center si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ng hapon, ilang oras lamang matapos dumating doon ang presidente.

Ito ang unang aktibidad ng punong ehekutibo, kung saan pinaunlakan din nito ang mga Pilipinong humingi ng autograph sa kaniya.

Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga Filipino, todo pasasalamat ang pangulo sa suportang ibinigay sa kaniya sa nakaraang halalan.



Ayon pa kay Pangulong Marcos, isa sa sadya niya sa pagtungo sa Amerika ay para kausapin ang iba’t-ibang lider sa mundo para sabihin sa mga ito ang sitwasyon ngayon sa Pilipinas matapos ang mahigit dalawang taong pandemya.

Binigyang-diin ng pangulo na pangunahin sa kaniyang misyon ay imbitahin ang kapwa niya mga pinuno at tingnan ang magandang kalagayan ngayon ng ating bansa at hikayatin ang mga ito na maglagak ng puhunan.



Sinabi pa ni Pangulong Marcos, kapag marami ang nagbuhos ng investments sa ating bansa, siguradong maraming trabaho ang lilikhain nito.

Magbibigay daan aniya ito para mabigyan ng trabaho ang mas maraming Filipino na magiging rason aniya para hindi na mangibang bansa ang mga ito para lamang magtrabaho.



Pinasalamatan din nito ang malaking ambag ng mga Filipino sa pagganda ng lagay ng ekonomiya ng bansa dahil sa kanilang remittances.

Ayon sa pangulo, hindi lamang ang pagtulong sa kani-kanilang pamilyang nasa Pilipinas ang pangunahing pakinabang ng remittances na ipinadadala ng mga ito kundi malaki ang naitulong sa pag-usad ng ekonomiya ng bansa.

Sa katunayan, noong 2021 nasa 40% ng remittances na natanggap ng Pilipinas ay galing sa Amerika.

Kinilala rin ng punong ehekutibo ang kabayanihan ng medical frontliners sa gitna ng COVID-19 pandemic, gayundin ang kontribusyon at sakripisyo ng mga guro, emergency response at service employees.

Halos mapuno ang New Jersey Performing Arts Center at bawat isang Filipinong naroon ay may hawak na maliliit na bandila ng Pilipinas na patuloy nilang iwinawagayway habang nagsasalita ang presidente. (Vanz Fernandez)