Advertisers

Advertisers

‘Missing’ na ang masterminds sa pagpatay kay Percy Lapid

0 209

Advertisers

SINAMPAHAN na ng Department of Justice (DoJ) at Philippine National Police (PNP) ng reklamo ang masterminds sa pagpaslang sa hard-hitting radio commentator at tabloid columnist na si Percy Lapid.

Ito’y sina suspended Bureau of Correction (BuCor) Director Gerald Bantag at ang kanyang “tirador”na si Superintendent Ricardo Zulueta, hepe ng Directorate for Security and Operations ng BuCor.

Ang dalawang ito ang inginuso ng middlemen na inmates sa National Bilibid Prison (NBP) na silang nag-utos para maghanap sa labas ng mga papatay kay Lapid.



Nang maisampa sa korte ang reklamo nitong Lunes, hindi na mahagilap ang dating maingay na si Bantag pati na si Zulueta.

Sina Bantag at Zulueta ay dating magkasama sa Bureau of Jail Managament and Penology (BJMP) sa Paranaque City Jail noong 2016, kungsaan jail warden ang una at ang huli ay Senior Jail Officer 2 (SJO2). Nasangkot pa sila noon sa pagsabog sa loob ng kulungan kungsaan 10 bilanggo ang nasawi. Pero na-dismiss ang kaso laban sa kanila.



Nang italaga ni noo’y Presidente Rody Duterte si Bantag sa BuCor, kapalit ng nagretirong ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, kinuha ni Bantag si Zulueta sa BJMP at ginawang hepe ng DSO ng BuCor at binigyang ng mataas na rangkong Superintendent!, bagay na ipinagbabawal ng Civil Service Commission.

Lahat ng naging tao nina Bantag at Zulueta sa BuCor ay galing BJMP. Kaya nagagawa nila anuman ang gusto nilang gawin sa loob ng Bilibid. Nagkaroon nga daw sila ng ‘crime organization’, sabi ni Justice Secretary “Boying” Remulla.



Sa panahon ni Bantag sa BuCor, maraming misteryosong namatay na high-profile inmates lalo noong kasagsagan ng Covid-19.

Sabi ng mga kumantang bilanggo, “sinusupot” nila ang iniutos sa kanilang likidahin.

Sa ginawang raid sa Bilibid ng bagong talagang BuCor Director na si retired AFP Chief Gregorio Catapang, nakakumpiska sila ng higit 7,000 beer in can na ipinagbibili ng tig-P1K sa loob ng Maximum Compound.

Say ni Catapang, mga bata ni Bantag ang nagpapasok ng alak sa Bilibid.

Kaya siguro si Bantag ay biglang yaman, sabi ng pinaslang na si Percy Lapid sa kanyang programang ‘Lapid Fire’ sa radio DWBL.

Ang mga banat na ito ni Lapid ang naging rason para siya mapaslang.

Sa masusing pag-iimbestiga ng PNP at DoJ, lumabas ang pangalan nina Bantag at Zulueta bilang masterminds sa Lapid murder.

Ngayon ay sina Bantag at Zulueta naman ang pinaghahanap ng batas. Wala pang arrest warrant laban sa kanila, pero cannot be reached na ang mga ito. Kaya todo bantay na sa mga exit point ang mga awtoridad.

Bago ito, sinabi ni Bantag na hindi siya pahuhuli ng buhay sa gobyerno. Dahil kakatayin daw siya sa kulungan.

Inupakan pa ni Bantag sina Catapang at Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Si Bantag, isang Igorot, ay produkto ng PNPA.