Advertisers
KAPAG kaayusan sa sidewak at trapiko ang pag-uusapan, ang lungsod ng Caloocan ang isang lugar sa Metro-Manila na may malaking ipinagbago dahil sa ibat-ibang mahusay at matagumpay na proyektong isinulong ng administrasyong Malapitan.
Isang halimbawa na ay ang dating magulo dahil pinamumugaran ng mga halang ang kaluluwa ngunit ngayo’y tahimik, malinis at pinaganda ng dating mayor na ngayo’y 1st District Congressman Oscar “Oca” Malapitan ay ang Monumento Circle at ang kapaligiran nito.
Noon, ang mga problema sa mga naghambalang na vendor sa paligid, maya’t-mayang holdapan na nasasaksihan ng madla at mga motoristang nabibinbin ang biyahe dahil sa matinding problema sa trapiko ay tinatawag ng “things of the past” ng Malapitan Administration.
May mga kalsada at kalye sa lungsod na sa maraming taon ay problema ang dulot sa pamahalaang lungsod, tulad ng Dagohoy Street, dahil ginagawa itong illegal terminal ng mga pampasaherong jeep bukod pa sa naging “illegal vending” site ng mga di lisenyadong magtitinda.
Pero dahil sa istriktong implemenstasyon ng mga umiiral na batas at “political will” nina Mayor-turned Rep. Oca Malapitan at anak nitong si 1st District Representative-turned-Mayor Gonzalo “Dale” Along Malapitan, ang illegal terminal at illegal vending ay unti-unting naglaho sa siyudad ng Caloocan.
Pero ang pinupuri’t hinahangaan na mahusay na “management style” ng mag-amang Malapitan ay tila taliwas sa paningin ng mga taga Macabagdal at Asistio Street dahil sa anila ang dalawang kalyeng ito ay problema ng mga residente sa lugar.
Nababahala ang mga residente dahil sa iba’t ibang sasakyan na dumarating at humihimpil sa dalawang kalsadang ito dahil walang pinipiling oras na ginagawang garahe at iligal na paradahan ang mga naturang lansangan kaya ang dulot ay nakaiinip at mabagal na trapiko, ngunit wala namang ginagawang pagkilos ang mga lider at kawani ng nasabing barangay.
Anang mga residente, kung gumagawa lang ng paraan si Chairman Renato Aclado, hindi mangyayari ang matagal nang nagaganap na problema sa dalawang kalyeng ito, na pinapapangit ang umuusbong na magandang imahe nina Mayor Along Malapitan at ng amang Congressman Oscar Malapitan.
Suhestiyon natin kay Kap. Aclado, kausapin ang mga may-ari ng mga sasakyan na nagdedeliver ng frozen pork at frozen chicken sa lugar at ang mga bumibili ng kanilang inilalakong frozen meat na nagiging dahilan ng nakabubuwisit na problema sa trapiko sa kanilang lugar.
Dapat sigurong busisiin ni Mayor Along kung papaanong nakapagnenegosyo doon ang dalawang meat dealer na ito, gayong ang Macabagdal at Asistio Street ay hindi business area kundi residential place.
Tinatawagan din ng pansin si Caloocan City Public Management Traffic Bureau Chief, Jojo Garcia na magpadala ng mga traffic enforcer sa Macabagdal at Assisti Street at sulusyunan ang matagal nang suliranin doon bago pa magalit ang mga residente bunsod ng problemang pantrapiko na nakaaapekto sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Abangan ang magiging aksyon ni Chairman Aclado at ng Caloocan City Government hinggil sa isyung ito na ibinato sa SIKRETA!
PERGALAN CON CASINO SA POZORRUBIO, PANGASINAN
CERRADO NG TUY AT BARCELON NG NASUGBU, BATANGAS!
NOONG Oktubre pa ng nakaraang taon ay nag-ooperate ang pergalan (perya at sugalan ) – con mini casino sa government-owned Pozorrubio Sports Center pero tila bulag daw si Mayor Kelvin Chan sa operasyon ng iligal na pinagkikitaang ito na kinagigiliwan at kinahuhumalingan ng kanyang mga kababayan maging ultimo mga kabataang estudyante.
Dati,ayon sa mga taga-Pozorrubio ang pergalan ay sa harap ng municipal hall nakalatag pero ngayon ay inilipat sa mas malaki, mas malawak na Pozorrubio Sports Center na halos abot ng pukol ng bato ang layo sa town hall upang makapaglagay ng tiangge at ibat-ibang entertainment rides tulad ng ferris wheel, ngunit ang nakadidismaya ay nilatagan din ng mas maraming uri ng iligal na pasugalan doon.
Sa nasabing pergalan ay may mga color games, beto-beto, saklaan, cara y cruz, drop balls at kung anu-ano pang bawal na sugal at para hindi mahalatang may mga pasugalan ay pinaligiran ng mga tiangge stores na nagbebenta naman ng mga damit, pagkain at laruan.
At take note Mayor Kelvin, ang nagbabantay sa entrance ng pergalan ay isang gusgusing bakla na taga-municipal hall na kahit mga menor de edad ay ineengganyo nitong pumasok sa pergalan para tumaya sa mga color games, beto-beto at iba pang labag sa batas na table games. Ano ba yan mayor?
PNP Regional Commander PBGen John Chua, ang police chief mo sa Pozorrubio ay tila “tutulog- tulog sa pansitan” dahil ang kanyang opisina ay halos 50 metro lamang ang layo sa pergalan, ngunit para itong walang alam sa nagaganap doong mga kabalbalan.
Samantala sa Brgy. Putol sa bayan ng Tuy ay may mistulang mini casino din na nailatag ang isang alyas Janog? May katagalan na doon ang nabanggit na pergalan (perya at sugalan) na ang panghatak sa mga tao ay color game, beto-beto, cara y cruz, drop balls at iba pang iligal na table game.
Gamit na gamit ni Janog ang pangalan ni Tuy Mayor Jose Jecerrelle Cerrado, na mukhang wala namang muwang sa mga kabulastugan ni Janog. Dahil di umaaksyon si Mayor Cerrado, kaya hindi din kumikilos o marahil takot na kantiin ito ni Tuy Police Chief Major Nepthalie Solomon?
Sa kalapit na bayan ng Nasugbu ay may katagalan na ding nakapaglagay ng pergalan (perya at sugalan) ang isang alyas Claire dahil may karelasyon itong police official doon? Kaya libreng-libre ang iligal na pasugalang inooperate nito sa Brgy. Putat na nasa “tungki din lamang ng ilong” ni Nasugbu Mayor Antonio Jose “Tony” Barcelon. Dedma din lamang si Municipal Police Chief LtCol. Reynaldo Domelod sa mga pailigal doon ng hitad na si Claire! Bakit kaya?
Kung nais ni Batangas PNP Provincial Director Col. Pedro Soliba na tumagal sa kanyang puwesto, ang pakiusap sa kanya ng mga taga-Tuy at Nasugbu ay paki-turuan lamang sana nito ng leksyon ang mga nabanggit na police chief bago pa man makarating ito sa kaalaman nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Rodolfo Azurin Jr.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com; cp # 09664066144