Advertisers
SAMPUNG crew ng Philippine Airlines na nagbitbit ng mga pasalubong na prutas at sibuyas mula Saudi Arabia ang hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport last week.
Kakasuhan daw ang naturang mga crew ng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at sa Plant Quarantine Decree Act of 1978.
Malamang na maparusahan din ng PAL management ang mga naturang crew. Tsk tsk tsk…
Kung ang lupet na ito ng mga taga-Customs ay ginagawa nila sa mga smuggler sa airport at pier ay matutuwa tayo. Pero ang mukhang kaya lamang nilang ipahiya at kasuhan ay ang mga nagdadala lamang ng pasalubong na ilang kilo para sa kanilang mga kaanak.
Ang rason ng taga-BoC ay walang permit ang mga pasalubong ng naturang mga crew. Diyos por Santo, ilang kilo lang namang sibuyas at prutas ang dala nung mga crew, kailangan pa bang hanapan nila yun ng permit? Animal!
Kaya tama sina Senador Raffy Tulfo at JV Ejercito sa pagtatanggol sa naturang mga crew at pagsabon sa mga taga-Cutoms sa NAIA sa isang Senate inquiry tungkol sa overpricing ng sibuyas nitong Lunes eh.
Naghihigpit sila (Customs) sa mga bitbit na pasalubong pero wala silang bayag sa pagsugpo sa talamak na agriculture smuggling.
Samantalang kilalang kilala naman nila ang mga smuggler ng sibuyas at iba pang agri products tulad nina Lea Cruz, Wilson Chua, Tommy Go, George Tan, Manuel Tan, David Tan, Gerry at Paul Teves, pawang pinangalanan sa congressional inquiry ng maraming beses.
Tama si Tulfo na ang mga smuggler na ito ay kasabwat ng mga taga-Customs at ng mga opisyal ng Department of Agriculture mismo kaya ilang dekada nang namamayagpag ang mga ito.
Say nyo, Customs Commissioner Yogi Ruiz?
Kumusta na nga pala ang mga kaso kuno ng mga nasa likod ng mga nasabat na smuggled products? Parang wala namang nakukulong sa mga ito, Comm. Yogi? Moro-moro lang yata ang panghuhuli nyo sa smuggling eh… Ayaw ni PBBM ng ganyan! Manmanan!
***
Nasa 24 kernel at heneral ng pulisya pa raw ang hindi nakapagsumite ng “courtesy resignation” para sa paglilinis sa droga sa hanay ng pambansang pulisya.
Hanggang Enero 31 ang deadline ng pagsumite ng resignation ng lahat ng opisyal na may ranggong kernel hanggang heneral.
Ang katuwiran daw kasi ng mga opisyal na ito na kapit-tuko sa posisyon ay baka magkamali sa pag-e-evaluate ang 5-man committee na magrerebyu sa kanilang courtesy resignation. Hmmm…
Tama rin naman ang mga opisyal na ito. Baka nga mangyari na naman ang ginawa ng nakaraang adminsitrasyon kungsaan isinapubliko ni noo’y Pangulong Rody Duterte ang pangalan ng mga pulis na sangkot sa droga pero hindi naman kinasuhan dahil walang ebidensiya, na-floating lang, pero nakabalik din sa puwesto dahil sa kani-kanilang padrinong opisyal.
Well, let’s see hanggang katapusan ng buwan. Abangan!