Advertisers
MUNTIK nang matodas ang isang kontratista na natalo sa nakaraang mayoralty election nang barilin ito sa mukha habang nag-iniinpeksiyon ng isa niyang proyekto sa Barangay Sapang, Jaen, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Police Major Robert de Guzman sa tanggapan ni Colonel Richard Caballeri, acting Nueva Ecija Police director, kinilala ang biktima na si Engr. Ramil Garcia de la Cruz, 63 anyos, residente ng Barangay San Pablo, Jaen.
Sa ulat, 10:40 ng umaga habang nasa loob ng isang tent ang kontratista nang dumating ang mga salarin na lulan ng kulay puting kotse. Bigla na lamang umano binaril ang biktima.
Matapos ang pamamaril, agad tumakas ang mga salarin. Isinugod naman sa pagamutan sa Cabanatuan ang biktima na nasa ligtas nang kalagayan.
Matatandaang lumaban at pumangalawa si de la Cruz sa mayoralty post sa bayan ng Jaen noong nakaraang Mayo 2022. Hindi naman ito naghain ng anumang electoral protest kontra sa nagwaging si Mayor Sylvia Austria.