Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
PINAG-uusapan na ang animoý malaking event na magaganap sa Marso 1 dahil dalawang pelikulang may temang pulitikal ang magbabanggaan sa takilya.
Ayon sa multi-award winning actor at bida ng “Oras de Peligro” na si Allen Dizon, hindi siya kinakabahan sa magiging salpukan sa box-office ng kanilang pelikula at ng kanilang katapatang biopic tungkol sa mga Marcos.
Naniniwala kasi siyang nakagawa sila ng isang matinong pelikulang dapat na panoorin ng sambayanang Pilipino.
“Gusto ko nga siyang pag-usapan para magkaalaman kung malakas talaga, di ba? Alam naman natin kung gaano katamlay ang pelikulang Pilipino. Kailangang bigyan din ng pansin ng mga tao na manood sa mga sinehan ng pelikulang Pilipino, na iyon naman ang dapat,” ani Allen.
Gayunpaman, ipinaliwanag niya na hindi ginawa ang pelikula nila para tapatan ang kalaban.
“Hindi naman siya ginawa para tapatan. Parang di naman talaga. Parang nagkataon lang. Nagkaroon ng playdate iyong Oras de Peligro, tapos sumabay din ang showing noong kabila,” paliwanag niya.
Hirit pa niya, iba rin daw ang perspective o kuwento na ino-offer ng kanilang pelikula kumpara sa prequel ng kakumpentensiya.
“Wala eh, di naman natin masasabing plinano o sinadya. Pero same genre, it’s a political movie pero magkaibang interpretasyon. Iba lang ang perspective ng oras, iba rin ang perspective noong Malacanang,” lahad niya.
Dagdag pa niya, gusto lang daw nilang imulat sa mga tao lalo na sa millennials ang mga tunay na naganap noong panahon bago maganap ang 1986 EDSA revolution.
“Gusto lang naman natin na magbalik-tanaw kung ano iyong nangyari noong time na iyon, during their time. Alam naman natin ang mga kabataan ngayon, hindi nila alam. Marami nga ang nacu-curious eh, pero at least kahit na short o sa isang pelikula lang, makita nila na ito iyong nangyari noon,” esplika niya.
Pagbabahagi pa niya kahit hindi pa raw siya ipinanganak noong 1986 EDSA revolution, may ideya na raw siya sa mga nangyayari tungkol sa pulitika sa bansa noon.
“Bata pa ako noon kasi 1977 ako, pero ‘80s siya nangyari kaya wala pa akong masyadong mulat. Di ko naalaala. Although noong time na iyon, naalala ko ang Martial Law, naalala ko iyong time na pinatay si Ninoy, iyong time ng People Power, alam ko iyon. Hindi ko lang alam kung ano iyong pinaglalaban nila that time,” aniya. “Hanggang ngayon, hindi naman ako ma-pulitikal, more on, nasa gitna lang ako palagi,”dugtong niya.
Sey niya, bilang aktor, trabaho lang daw para sa kanila ang pag-arte at bigyang-buhay ang bawat papel na iaatang sa kanila.
Katunayan, wala raw problema sa kanya kung i-offer sa kanyang gampanan ang papel ni Marcos.
Ang “Oras de Peligro” na idinirehe ni Joel Lamangan ay pumapaksa sa tunay na mga pangyayari tungkol sa naganap sa isang pamilya malapit sa Malacanang apat na araw bago maganap ang 1986 EDSA Revolution.
Tampok din sa pelikula sina Cherie Pie Picache, Therese Malvar, Mae Paner, Gerald Santos, Marcus Madrigal, Rico Barrera, Carlos Dala, Felixia Dizon, Jim Pebanco, Nanding Joseph, Apollo Abraham, at Elora Espano.