Advertisers

Advertisers

Kaso laban kay Rep. Teves malabnaw

0 207

Advertisers

ILANG linggo pa lamang ang nakakaraan mula nang mapaslang si Negros Oriental Governor Roel Degamo, ngunit tila nakahanap kaagad ang mga awtoridad ng masisisi sa insidente.

Kaagad idiniin si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves, Jr. sa krimen.

Oo, mahigpit na magkatunggali kasi sina Teves at Degamo sa politika. Eto marahil ang isang dahilan kung bakit easy target si Teves sa insidente.



Pero kung susuriin natin ang mga pangyayari, mukhang hilaw na hilaw ang pagtunton kay Teves bilang mastermind sa nangyari. Bakit?

Una, walang makitang motibo sa pagpaslang. Kung usaping pulitika ang susuriin, hindi naman mauupo bilang gobernador si Pryde Henry Teves, kapatid ng kongresista, sa pagkamatay ni Degamo. Ito kasi ang nasa isipan ng karamihan lalo pa’t naging gubernador si Pryde Henry sa rehiyon. Pero nung idineklara ng Comelec na si Degamo ang nanalo bilang governor ng Negros Oriental noong 2022, wala nang pinanghahawakan na posisyon si Pryde Henry. Ang Vice Governor ang papalit kay Degamo dahil sa mga pangyayari.

Pangalawa, tila pilit ang pagdikdik kay Rep. Arnie Teves dahil ilang araw mula nung nangyari ang insidente kay Degamo, bigla nalang na-raid ang compound ng Kongresista. Ito raw ay dahil sa mga diumano’y iligal na armas at mga bala at pampasabog.

Sa isang CCTV footage na ipinamahagi ni Atty. Ferdinand Topacio, legal Counsel ni Rep. Arnie Teves, kahina-hinala ang naging aksyon ng mga nag-raid sa bahay ng mambabatas sa Bayawan, Negros Oriental. Pinalabas ang lahat ng tao, kasama na ang mga abogado at iba pang witness—labag ito sa pag-conduct ng ganitong searches. Makikita pa sa footage na may malalaking bag na sukbit ang mga nag-raid. Ano ang laman ng mga bag na ito?

Matapos ang isang oras, may nakita na diumano’y iligal na mga armas.

Hinuli ng mga awtoridad ang secretary ni Teves, pero dalian din naman itong pinalaya dahil narin sa kawalan ng ebidensya—ayon ito sa statement ng PNP at DOJ.



Pangatlo, bigla nalang nagsulputan ang mga kaso laban kay Teves matapos ang insidente. Sinampahan agad ito ng kaso ukol sa mga insidente noon pang 2019.

Kahina-hinala ang pagsulpot ng mga kaso na ito, lalo pa’t isinampa ito matapos ang pangyayari kay Degamo. Mismo!

Parang may nagkukumpas ng pagdiin sa mambabatas matapos ang pangyayari sa Negros Oriental. Sunod-sunod ang mga insidente ng pagdikdik sa kanya, kahit malabnaw ang pagkakatimpla ng mga eksena.

Kalagim-lagim ang sinapit ni Degamo nitong Marso. Pero hangga’t hindi natutunton ang tamang salarin, walang tayong makakamit na tutoong hustisya.

Si Rep. Teves ay kasalukuyang nasa ibang bansa, sa Amerika, nagpapagamot. Nangyari pa ito bago pa ang pagpaslang kay Degamo.

Bagama’t natapos na noong Marso 9 ang kanyang official leave sa Kamara ay hindi pa ito nakakauwi dahil sa pangamba sa kanyang buhay dahil nga pinagsususpetsahan siyang siya ang mastermind sa pagpaslang kay Degamo.

Humirit si Teves ng 2 buwan pang leave sa Kamara, pero hindi siya pinagbigyan ng liderato.

Sabi ni Atty. Topacio, kahit hindi pinayagan ng Kamara ang 2 months leave ni Rep. Teves ay hindi parin ito uuwi dahil nakatanggap daw ito ng info na papaslangin kapag nakabalik sa bansa.

Well, abangan natin ang sunod na mangyayari, mga suki!