Advertisers

Advertisers

FRATERNITY IREHISTRO SA ISKUL, KOMUNIDAD

0 173

Advertisers

DAPAT na irehistro sa komunidad at sa paaralan bilang lehitimong organisasyon ang mga fraternity para masubaybayan at makontrol ng mga awtoridad ang galawan o aktibidad ng mga ito.

Ito ang iminungkahi ni Senator Christopher “Bong” Go na nagsabing suportado niya ang planong pag-amyenda at pagpapalakas sa Anti-Hazing Act of 2018.

Kasunod ito ng fraternity-related hazing na humantong sa pagkamatay ni John Matthew Salilig, 24, estudyante ng Adamson University.



Nadiskubre ang naaagnas na bangkay ni Salilig sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite noong Pebrero 28.

Sa ambush interview matapos tulungan ang mga naghihirap na residente sa Sta. Maria, Bulacan nitong Martes, sinabi ni Go na wala siyang tutol sa pagpapalakas ng requirement para sa fraternities na mairehistro bilang accredited school-based organizations.



Ipinaliwanag niya na sa pamamagitan ng pag-accredit sa mga organisasyong ito at pagrerehistro sa kanila sa ilalim ng kani-kanilang paaralan o komunidad, mamo-monitor ng mga awtoridad ang kanilang mga aktibidad.

Ngunit binigyang-diin niya na ang mga naturang patakaran ay hindi dapat lalabag sa karapatan ng mga mag-aaral na mag-organisa.



Ipinunto ng senador na marami sa mga fraternity na ito ay hindi rehistrado bilang accredited school-based organization na nagreresulta sa kanilang underground operation kaya nahihirapan ang mga awtoridad na sila ay ma-monitor.

“Ang nangyayari po, underground ang ginagawa nila sa kanilang activities, including recruitment process. Tapos kung mayro’ng involved na namamatay sa hazing, nabibigla na lang tayo – minsan ang mga school authorities – mayroon palang estudyante na involved sa fraternities that conducted hazing,” anang mambabatas.

Ipinagbabawal sa Anti-Hazing Act of 2018 ang hazing at nagpapataw ito ng parusa sa mga indibidwal at organisasyong sangkot.

Pero sa kabila ng pag-iral ng batas, nagpapatuloy ang mga insidente ng hazing at aktibidad na palihim ng mga fraternity.

Upang matugunan ito, iminungkahi ni Senate President Juan Miguel Zubiri, sa isang pagdinig ng komite ng Senado noong Marso 20, na amyendahan ang batas upang atasan ang mga estudyante na irehistro ang kanilang fraternity at sorority membership sa kanilang aplikasyon sa kolehiyo.

Binigyang-diin ni Go na panahon na upang matuldukan ang hazing at karahasan sa fraternities at sororities na nagreresulta sa pagkamatay ng mga estudyante.

“Pina-aaral natin ang ating mga anak. Nagpapakamatay tayong magtrabaho, nagpapakamatay tayo para may maitustos sa pag-aaral nila, tapos mamamatay lang sila sa hazing. Dapat ay matigil na ang karahasang ito,” idiniin ni Go.