Advertisers

Advertisers

Disente at libreng burulan, bago ilibing – Mayora Honey

0 272

Advertisers

“DISENTENG burulan bago dalhin sa huling hantungan.”

Ito, ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang nais ng city government ng Maynila na ipagkaloob sa mga less-privileged na residente matapos na pangunahan nito ang groundbreaking ng construction ng multi-purpose building sa Manila North Cemetery (MNC).

Si Lacuna, na sinamahan nina Vice Mayor Yul Servo, MNC Director Yayay Castaneda, third district Councilors Fa Fugoso at Apple Nieto at mga barangay chairpersons na mula rin sa third district ay nagsabi na ang bagong gusali ay mayroong limang chapels kung saan ang mga residente ay maaring iburol at paglamayan ang kanilang yumaong mahal sa buhay nang walang bayad.



Labis na nalulungkot ang alkalde na dahil sa kakapusan ng salapi kung kaya’t ang mga namamatayan ay sa kalye na lang binuburol ang kanilang yumao.

“Kadalasan, nakikita natin ang ating mga kababayang namatay na nasa kalye lang po nakaburol at di mabigyan ng maayos na burulan. Nakakalungkot po ito dahil sa Maynila, gusto natin na sa huling hantungan ay may maayos na pagbuburulan,” sabi ng alkalde.



Inanunsyo din ng lady mayor na magkakaroon ng bagong crematorium facility ang MNC at ito ay sa loob ng buwan na ito ng Abril base sa estimate na binigay ni Castaneda, na isinara ang kasalukuyang crematorium dahil sa masamang epekto sa kapaligiran.

“Sarado ngayon ang ating crematorium dahil napakaluma na po ng ating cremation facility at di na po tama na ito’y gamitin pa natin dahil meron na po itong nilalabas na maitim na usok na hindi po maganda para sa kapaligiran,” paliwanag ni Lacuna.



Nabatid kay Castaneda na ang bagong multi-purpose building ay may apat na palapag.Nasa ground floor ang crematory equipment, viewing area, lobby at office.

Ang second floor naman ay may dalawang chapel units para sa libreng burol habang tatlo pa ang gagawin sa third floor, na mayroon ding lobby. Ang columbarium naman ay nasa fourth floor.

Ang mga wake chapels, ayon kay Castaneda ay libre at walang bayad para sa mga residente pero ito ay first-come, first-served basis.

Ang columbarium naman ay maaring rentahan sa loob ng limang taon na ayon kay Castañeda ay affordable naman.

Kapag tapos na ang bagong crematorium, sinabi ni Castaneda na ang cremation ng lahat ng namatay na may kinalaman sa COVID at iba pang nakahahawang sakit ay libre habang minimal naman ang bayad sa hindi covered ng exemption. (ANDI GARCIA)