Advertisers
PINAIIMBESTIGAHAN ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. na mayroong mga pulis na nagsilbing umano’y “spotter” nang pasukin ang compound ng bahay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 4, 2023.
Ang kautusan ay base sa pahayag ni Atty. Levito Baligod, abogado ng pamilya Degamo sa ginanap na press conference sa Camp Crame sa Quezon City.
Ayon kay Abalos, magsasagawa ng imbestigasyon ang National Police Commission (Napolcom) at pagtiyak na sisibakin ang mga ito sa serbisyo sa sandaling mapatunayan ang akusa-syon sa mga ito.
Nilinaw ni Abalos na sasailalim ang mga matutukoy na mga pulis sa due process base sa itinatakda ng batas.
Kaugnay nito, sinabi ni PNP Deputy Chief PNP for Administration and officer-in-charge Lt. Gen. Rhodel Sermonia na agad silang magsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang mga nasabing pulis at ma-relieve sa puwesto habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Inihayag ni Baligod na nagpapasalamat ang pamilya Degamo kasama ang mga pamilya ng ibang mga biktima sa resulta ng imbestigasyon para malutas ang naganap na krimen.
Ibinulgar ni Baligod na mayroong mga witness na nagsasabi na may mga pulis na tumayong mga spotter sa pagpatay sa mga biktima. (Mark Obleada)